BOC naharang P4.2M halaga ng rare agarwood
NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) ang paglabas ng dalawang package na naglalaman ng rare agarwood na nagkakahalaga ng P4.275 milyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Nobyembre 6.
Ayon sa BOC idineklara ang package na naglalaman ng mahogany chips. Ipinadala ito ng isang indibidwal mula sa San Juan at patungo sana ng Dubai, United Arab Emirates (UAE).
Sa isinagawang physical examination sa package ay nadiskubre ang kabuuang 5.7 kilo ng rare agarwood, isa sa pinakamahal na kahoy sa mundo.
Ang pagpapadala ng package ay paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Forestry Reform Code of the Philippines (PD 705) at Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147).
Ang mga nakumpiskang agarwood ay ibibigay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Muling iginiit ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang commitment ng BOC na paigtingin ang pagbabantay sa mga pantalan.
“The Bureau of Customs continues its pursuit to strengthen the border security measures to and from the country, and we will be relentless against anyone who attempts to violate our customs laws,” sabi ni Commissioner Rubio.