Default Thumbnail

Bliss Housing vs millennial pabahay

June 8, 2022 Allan L. Encarnacion 397 views

Allan EncarnacionMAY inaalok sa akin na isang unit ng Bliss Housing sa likod ng SM North, Quezon City mahigit isang dekada na ang nakakaraan.

Ipinagbibili iyon sa halagang P2 milyon kaya plano ko sanang umutang sa bangko para mabili. Ito iyong Bliss Housing na naitayo sa panahon pa ni former First Lady Imelda Marcos ng Human Settlement at ng kanyang Deputy Minister na si Condrado Jolly Benitez na erpat ng bagong halal na alkalde ng Bacolod City na si Congressman Albee Benitez.

Bukod sa maganda ang lokasyon, nagulat tayo sa sukat ng mga housing unit doon. Nasa 80 square meters at may easement pa na 30 sq. m. kaya halos nasa 120 sq. m. ang kabuuan ng property.

Napabayaan na ang community ng Bliss Housing na noong panahon nila Madame ay isang ideal community. Pasensiya na po sa gagamitin kong terminology, parang slums na.

Binanggit ko sa aking misis ang aking plano kaya lamang, nang sabihin kong hindi na maganda ang paligid at hindi na kaaya-aya sa paningin, kinontra niya ang aking plano. Sa madaling salita, hindi natuloy ang aking pagbili.

Pero hindi naman iyong naudlot na pagbili ko sa unit ang gusto nating talakayin sa inyo. Ang punto natin dito ay iyong size ng mga housing projects noong panahon nila Madame Imelda. Fast forward, maraming taon na ang nakakaraan, baka mga late 90s ito or early 2000, may isang tauhan ako na gusto kong tulungan magkaroon ng NHA housing unit sa Bagong Silang na binili ko sa isang kaibigan.

Ang sukat, 25 square meters, isang napakaliit na unit na puwede nating sabihin na kuwarto lang ito sa isang middle class na bahay.

Naikumpara ko ang bibilhin ko sana sa Bliss Housing at iyong NHA unit sa Bagong Silang, Caloocan.

Iyong pabahay nila Imelda, hindi mo lang binibigyan ng bahay ang isang pamilya, binibigyan mo rin sila ng dignidad.

Iyong 25 sq. m. , sobrang sikip na para sa tatlong tao, lalo na pala kung dalawa ang iyong anak. Naroon na sa kapirasong bahay ang banyo, kusina, sala, labahan at kuwarto kung gusto mong lagyan ng dibisyon. Miserableng sitwasyon.

Iyong 80 sq. m. , puwede kang maglagay ng dalawang kuwarto, iyong easement mo, puwedeng kitchen at laundry. Maluwag pa ang iyong magiging sala kahit dalawa ang maging kuwarto. Kahit tatlo ang maging anak ng mag-asawa, ayos pa rin ang sukat.

Sa tingin natin, kaya hindi nagtatagumpay ang housing program ng gobyerno matapos ang Marcos administration noong 1986 ay nasaula na ang mga programang pabahay ng mga nagdaang pamahalaan.

Kaya iyong iba, kukuha ng NHA unit pero ibebenta or ipapaupa para makahanap ng mas maayos na bahay. Mismong si Presidente Duterte ay nagulat din sa mga sukat ng pabahay sa mga sundalo at pulis na pinasok ng mga Kadamay dahil nga 25 sq. m. lang kada unit kaya pinagawa na rin niyang 60 hanggang 80 sq. m. ang mga bagong ginagawa.

Ngayong papasok na PBMM administrasyon, umaasa tayong ibabalik nila ang ang magandang programang pabahay para sa totoong mga mahihirap nating mga kababayan. Sa ngayon, nasa mahigit 700,000 ang housing backlog dito pa lang sa Metro Manila.

Hangga’t walang malawak na housing program tulad ng Human Settlement sa panahon ni Macoy, mananatili ang talamak na problema ng bansa sa squatting. Tanggapin natin ang katotohanan, kapag squatting or slums ang usapan, kadikit na palagi dyan ang problema sa maraming anak, hindi maayos na pagtatapon ng basura, krimen, kawalan ng edukasyon, etc, etc.

Kailangan makahanap si PBBM ng kalibre ni yumaong Jolly Benitez na magaling sa housing program at seryosong ikukunsidera ang mga problemang nakadikit sa kawalan ng tahanan ng marami nating kababayan.

Kapag naisakatuparan ang pagkakaroon ng disenteng pabahay ng mga mahihirap nating kababayan, maraming problema ang lipunan na masosolusyunan.

T’yak tayo na alam ni PBMM ang formula rito na ating aabangan sa pagsisimula ng kanyang administrasyon sa June 30, 12:01 ng tanghali.

[email protected]