
Biyuda ni John Regala, nagpasalamat kay Robin
PUMANAW na ang character actor na si John Regala sa New Era General Hospital kahapon ng umaga sa edad na 55.
Ayon sa misis niyang si Victoria Scherrer, binawian ng buhay si John bandang 6:28 a.m. sanhi ng cardiac arrest dahil sa liver at kidney complications.
Tatlong linggo na umanong nasa critical care si John dahil sa cirrhosis.
Pinasalamatan ni Victoria ang Iglesia ni Cristo (InC) sa suportang ibinigay nito sa mister niya hanggang sa kahuli-hulihan.
Aniya pa, “Nagpapasalamat din ako sa mga kapwa niya artista, gayundin ang mga studio, lahat po, na tumulong sa kanya. Gayundin sa tiyuhin niyang si Senator Robin Padilla at sa kanyang pamilya na hindi siya pinabayaan. Napakabuti po niya!”
Si John ay anak ng beteranang aktres na si Ruby Regala.
Naging miyembro siya ng That’s Entertainment ni Master Showman German Moreno noong ’80s bago sumabak sa action films tulad ng Boy Kristiano, Isa-Isahin ko Kayo, Primitivo Ebok Ala: Kalaban Mortal ni Baby Ama at The Vizconde Massacre: God Help Us.
Tinanghal siyang best supporting actor sa 2011 Metro Manila Filmfest movie na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Bago lumala ang sakit at naging inactive, nakagawa pa si John ng ilang teleserye at naging miyembro rin ng cast ng top-rating action series ni Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano sa Kapamilya network.
Inaayos pa ng pamilya Regala ang wake nito sa St. Peter Chapels, Tandang Sora, Quezon City.
Ang taus-pusong pakikiramay ng People’s Tonight sa naulila niyang pamilya.