Guadiz

Biyahe ng bus firm, ipinatitigil ng LTFRB

January 13, 2023 Jun I. Legaspi 245 views

PINATAWAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw na suspensyon ang biyahe ng ilang mga bus ng kilalang bus company kasunod ng aksidente sa La Union na ikinasawi ng tatlong indibidwal at ikinasugat pa ng maraming pasahero.

Sa ipinalabas na kautusan ng LTFRB, hindi na muna pinapayagan ang operasyon ng 26 na bus units ng bus company na biyaheng Cubao patungong Baguio City via Dau, Tarlac, at Urdaneta.

Magsisimula ang suspensyon sa araw na matanggap ng kumpanya ang kautusan at kailangan ding isuko ng kumpanya ang for-hire na plaka ng mga bus unit.

Sa panahon ng suspensyon, iniutos ng LTFRB na ipasailalim sa “road safety seminar” ng Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber na nakatalaga sa mga bus na sinuspindi ang operasyon.

Ipinasusumite rin sa bus company ang Roadworthiness Certificate ng mga bus unit maliban sa nasangkot sa aksidente gayundin ang pruweba na nagbigay ito ng tulong-pinansyal at binayaran ang insurance benefits sa pamilya ng mga biktima ng aksidente.

Inatasan pa ng LTFRB ang kumpanya na magtakda ng petsa para sa regular na preventive maintenance service ng mga bus nitong suspendido ang operasyon.

Maliban sa suspensyon, binigyan ng LTFRB ng 72 oras ang naturang bus company upang magsumite ng nasusulat na paliwanag kung bakit hindi dapat masuspindi, makansela o mabawi ang Certificate of Public Convenience (CPC) at ipinahaharap sa pagdinig sa Enero 24, alas-10 ng umaga sa LTFRB Central Office sa East Avenue, Quezon City.

Sakaling mabigong tumugon ang kumpanya, maituturing itong pagsuko ng kanilang karapatan na marinig at magdedesisyon ang LTFRB batay sa mga ebidensya na hawak nito.

Huhulihin din ang mga suspendidong bus unit sakaling matukoy na bumibiyahe pa rin ito sa kabila ng kautusan.

“While the incident may look like it was unintentional, it could have been still avoided had the bus involved [undergone] a thorough roadworthiness inspection. This should be a lesson learned for all public utility vehicles. The mindset of bus operators, drivers and conductors should always be about road safety whenever they go out and serve the commuting public; otherwise, they have no business operating in the public transportation sector,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.

AUTHOR PROFILE