Bistek

Bistek sa isyu kay Ruffa: Alamin n’yo kung ano ang gusto ni Tita Annabelle para kay Ruffa

November 30, 2021 Ian F. Fariñas 135 views

RuffaHUMARAP sa isang blog/vlogcon kahapon ang senatoriable na si Herbert Bautista matapos ang pagbisita sa Cebu at Bohol kamakailan.

Doon ay napag-usapan ang kanyang mga plano para sa showbiz industry sakaling palaring mabigyan ng pagkakataong maging senador sa 2022.

Nabanggit ni Bistek na nakausap nga niya ang industry stalwarts na sina Viva Boss Vic del Rosario at Regal matriarch Lily Monteverde na ang bilin sa kanya ay huwag pababayaan ang industriya sa mga batas na maaring ihain niya.

Isa ang tax incentive sa mga uunahin ni Bistek sakaling maupo sa Senado, at ilang mga paraan pa, gaya ng suhestiyong pagtatayo ng isang sound stage ng gobyerno na maaring upahan ng film outfits para mapagaan ang pasanin ng local producers.

Sinamantala rin ng bloggers/vloggers ang pagkakataong usisain ang isyu sa pagitan nina Bistek at beauty queen-actress Ruffa Gutierrez.

Bago matapos ang blog/vlogcon, natanong ang aktor-politiko kung si Ruffa nga ba ang “beautiful girlfriend” na nali-link sa kanya.

Sagot ni Bistek, “Hindi, ganito na lang. Bakit ba tayo napunta doon muna kasi? Ganito na lang, alamin na muna ninyo kay Tita Annabelle (Rama, nanay ni Ruffa) kung ano ang gusto niya para kay Ruffa. Kayo na muna ang magtanong sa kanya. So, that means, after this, puntahan n’yo si Tita Annabelle para malaman ko kung ano ang gusto niya para kay Ruffa,” kaya nagtawanan lahat.

Anyway, ibinalita rin ni Bistek na malapit nang mag-graduate ang unica hija niyang si Athena na uuwi mula sa pag-aaral sa NYC sa December 5.

Ang mga anak naman niyang lalaki na sina Race at Harvey ay busy din sa kanya-kanyang career sa showbiz.

Si Race, nagre-reading na para sa sisimulang pelikula kasama sina Alden Richards at Bea Alonzo ngayong December 1 habang si Harvey naman ay nasa gitna rin ng lock-in shooting para sa isang Cinemalaya entry this month.

Gayundin, busy din ang family-owned Heaven’s Best Entertainment ng magkakapatid na Bistek, Harlene at Hero para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival, kung saan ang prinodyus nilang Rita Daniela-Ken Chan team-up na Huling Ulan sa Tag-Araw ay isa sa official entries.

AUTHOR PROFILE