Default Thumbnail

Birthday ni Mayor Digong!

March 29, 2023 Allan L. Encarnacion 311 views

Allan EncarnacionHINDI ko naman pinagsisihang isa ako sa mahigipit na kumampanya para sa kandidatura ni Mayor Rody Duterte para sa pagkapangulo noong 2016.

May mga inside story ang kandidatura ni Digong na naging bahagi ako bagama’t hindi masasabing malaki, ang puwede ko lang sabihin ay may ga-buhok na partisipasyon.

May ginawa akong konsepto para sa TV political ad ni Digong sa tulong ng isang malapit niyang kaibigan na hindi ko na papangalanan. Ito iyong kauna-unahang TV ad ni Digong na lumabas sa lahat ng istasyon pero walang kinalaman ang alkalde sa gastos at sa placement.

Ang konsepto ay isang buong mapa ng Pilipinas na nilalangaw. Ang bawat langaw ay kumakatawan sa iba’t ibang problema ng bansa mula sa matinding krimen, talamak na illegal drugs, rebellion, korapsiyon at akung anu-ano. Ang mapa ay kulay itim dahil sa tindi ng problema hanggang sa pumasok sa frame ang isang kamao na pumitpit sa mga bangaw. Ang ending ng TV ad, patay lahat ang langaw kaya iyong maitim na mapa ng bansa ay naging Philippine flag color.

Kinabukasan, na-interview ni Ted Failon sa DZMM si Mayor Digong at tinanong kung tatakbo siya sa pagka-Presidente dahil sa lumabas na political ad. “Hindi ko naman alam ang ad na iyon, corny naman,” sabi Digong kay Ted.

Pero bago nailabas sa mga telebisyon ad, nagkaroon ng executice committee meeting ang campaign team sa Davao. Naroon sa meeting sina Lito Banayo, Bong Go, former Cabsec, Jun Evasco, former Finance Secretary Sonny Dominguez, former Executive Secretary Bingbong Medialdea at Mayor Rody Duterte.

Sa meeting na iyon ay sangkatutak pala ang mga concept ads for discussion, evaluation, deliberation and consideration na ipinadala kay Digong mula sa iba’t ibang volunteer sa buong Pilipinas. Ang sabi sa akin ng dalawa na nasa meeting, tinutulan ni Lito Banayo ang concept kong ad.

Ang paliwanag ni Banayo, may stigma sila sa kamao na konsepto dahil doon daw natalo si Ping Lacson nang kumandidatong Presidente. May punto din naman si Banayo doon at first hand ang kanyang pahayag.

Matapos ang deliberasyon, outvoted si Banayo, mismong si Mayor Digong kasama ng iba pang execom members ang bumoto sa aking konsepto. “Gusto ko iyong kay Allan,” sabi pa umano ni Digong.

In all fairness kay Banayo, ilang araw matapos ang pagkapanalo ni Mayor Duterte sa 2016 Presidential elections, nabasa ko sa kanyang kolum sa isang broadsheet na naka-title column pa ang konsepto ko. “It all started with bangaw.” At pinasasalamatan ko naman si Banayo doon dahil patunay lang din na isa siyang maginoo.

Bago pa mapagdesisyunan ang konsepto, pumunta ako sa isang resort sa Samal Island sa Davao na pag-aari ng isang kaibigan ni Digong.

May dumating na chopper na dala ng long time pilot ni Digong. Pinadala raw ni Digong para ipasyal kami paikot sa Samal Island.

Nang sumunod na araw, si Bong Go naman ang dumating sakay ng jetski at kasama ang ibang kaibigan nila. Kami naman nila Bong Go ang nag-jetski paikot sa Samal Island. Hapon na dumating si Mayor Digong, doon kami nagkaroon ng up close and personal encounter na isa pang super friend ko na hindi rin puwedeng banggitin ang pangalan.

Habang nagkakape kami, doon ipinaliwanag ni Digong ang problema ng bansa sa droga. Nag-drawing siya ng inverted pyramid, maliwanag sa kanya na ang problema ng bansa illegal drugs ay nagsisimula sa mga generals na sangkot at bahagi ng sindikato.

Fast forward, President na si Digong, naimbita naman kami sa inaugural niya at sa unang State of the Nation Address. Matapos ang Sona, bumalik si Digong si Palasyo at doon na kami nagkaroon ng dinner. Inilapit ako ni Bong Go kay Presidente habang kumukuha siya ng pagkain sa buffet table. Niyakap ako ni Presidente sabay bulong, “Salamat Sir.”

Iyon na ang una’t huli kong encounter kay Digong hanggang matapos ang kanyang termino noong June 30, 2022. Walang akong hiningi kahit anong pabor, wala akong hiniling na kahit anong appointment. Nag-umpisa nang walang sabit, natapos nang walang kalabit.

Ang ikinatutuwa ko lang, malaking pagbabago ang ating naramdaman sa Duterte Presidency, nakinabang ako at ang aking pamilya sa maayos na peace and order, natakot ang mga drug lords, naubos ang mga street crimes at panatag tayong nakakalakad sa gabi. Nagkaroon din ng malaking development sa ating mga kalsada kaya mayroon na tayong Skyways, on-going ang Metro Manila subway, maraming bagong airports, seaports, on-going ang construction ng MRT7, marami nang LRT extension at daan-daang libong kilomentro ang mga bagong highway na nagbukas na nagpabilis sa ating mga biyahe.

Salamat Mr. President Duterte and happy b-day po.

[email protected]