Sethdrea

Birthday hirit ni Andrea kay Seth, kabayo at blender

May 23, 2021 Vinia Vivar 1186 views

Kaaliw ang kwento ni Seth Fedelin sa I Feel U interview nila ng Gold Squad with Toni Gonzaga. Ibinuking niya na ang request na birthday gift sa kanya ng ka-loveteam na si Andrea Brillantes ay kabayo at blender.

Nagsimula ang tsikahan tungkol sa debut ni Andrea last March 12. Nagkaroon ng simpleng selebrasyon sa bahay ng aktres pero kwento ni Seth ay hindi siya nakapunta.

“Nu’ng mismong birthday niya, hindi ako nakapunta, March 12, dahil kailangan naming mag-quarantine para po pumunta sa lock-in (for Huwag Kang Mangamba teleserye), so bawal kami lumabas ng bahay namin, ng kanya-kanyang bahay,” ani Seth.

Nang hindi raw siya nakapunta ay nagtampo si Andrea sa kanya kaya tinanong ni Toni kung paano nito binawi ang pagtatampo ng aktres.

Sey ni Seth, hindi pa siya nakakabawi dahil timing naman na nagka-ECQ. Dito na nga sinabi ng aktor ang gustong regalo ni Andrea.

“Tapos, ’yung gusto pa niyang regalo, kabayo,” sambit ni Seth.

Pati si Toni ay nagulat at tinanong niya kung bakit at kung may rancho ba si Andrea.

“Wala po,” natatawang sabi ni Seth.

Pero nilinaw agad ni Andrea na pony ang gusto niya at hindi ’yung malaking kabayo.

Ang isa pang nakakatuwa, bukod sa kabayo, gusto rin daw ni Andrea ng blender.

Natatawang sabi ni Kyle Echarri, “Ayan na naman ’yang blender na ’yan. Ilang years na po niyang sinasabi kay Seth ’yan.”

Sabi naman ni Toni, “Bakit hindi mo kasi ibili ng blender?”

Sagot naman ni Seth, P50,000 kasi ang presyo ng blender.

“So, sabi ko sa kanya, ECQ ngayon, maging praktikal muna tayo. Saka na ’yang blender-blender na ’yan. Pwede ka namang bumili ng standard lang na blender,” sey ni Seth.

Nagulat na naman si Toni sa presyo ng blender at ano raw bang klaseng blender ’yun at ganu’n kamahal. Hahaha.

“May kasama bang sako ng bigas ’yun?” tanong pa ni Toni.

Sey naman ni Seth, ’yung mga blender daw na ginagamit sa coffee shops ang gusto ni Andrea.

Sey pa ng aktor, hindi naman daw maluho si Andrea at ’yun lang daw talaga ang hinihiling sa kanya nito.

Sabi naman ni Toni, “Ang simple naman ng mga hinihinging gift ni Andrea.”

Sagot naman ng aktres, for life na raw ang pony na gift. Hahaha!

INA NI VICE, GUSTO NANG MAGKA-APO

VicegandaNaka-ready na si Ogie Diaz sakaling pumayag si Vice Ganda na magkaroon ng anak sa pamamagitan ng scientific process.

“Kasi, ’di ba, sa Thailand merong ano, pagpunta mo do’n, mamimili ka ng mga egg doon. Kunyari, egg, may-ari nito babaing architect, ito namang (isang) egg, ang may-ari nito, engineer, itong (kasunod na) egg, doktora. Mamimili ka lang,” sabi ni Ogie na bukod sa kaibigan ay dating manager ni Vice.

Willing daw siyang samahan sa Thailand ang Unkabogable Star if ever magdesisyon ito na mag-anak na.

“Oo, sasamahan ko siya, pramis. Sobra kong pangarap ’yun for Vice, na magkaroon siya ng anak. Kasi sabi ko sa kanya, ‘mag-iiba ’yung perspective mo, ’yung outlook mo in life ’pag may anak ka,’” ani Ogie.

Noon pa ay kinukumbinsi na niya si Vice na mag-anak at nang una nga raw niya itong sabihin sa kaibigan ay nandiri ito dahil akala raw nito ay makikipagtalik siya babae.
Ipinaliwanag niya kay Vice ang proseso kung saan ay magbibigay lang ito ng sperm cells niya tulad nga ng ginawa ng businessman na si Joel Cruz na ngayon ay may walo nang anak via in vitro fertilization.

Maging ang ina nga raw ni Vice ay gustung-gusto nang magkaapo at lagi raw sinasabi sa anak na ‘para saan pa itong pinaghirapan mo kung wala ka namang pamamanahan?’

“Kaya gusto ni Nanay Rosario na magkaanak si Vice, dugo’t laman niya,” tsika ni Ogie.

Sa ngayon ay hindi pa raw fully ini-entertain ni Vice ang ideya pero hoping siya na someday ay i-consider din ito ng kaibigan.

AUTHOR PROFILE