Default Thumbnail

Birth pains

June 1, 2023 Paul M. Gutierrez 233 views

PaulNAKAKALUNGKOT na balita po kaagad ang bumungad sa ating pag-upo bilang bagong executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS). Isa na naman pong kasamahan natin sa hanapbuhay ang walang-awang pinaslang sa Oriental Mindoro.

Kaya po, unang-una, tayo po ay nakikiramay sa pamilya at mga naiwan ni Cresenciano Bundoquin. Umasa po kayo na gagawin po lahat ng PTFoMS ang nasa kapangyarihan nito para mapanagot ang mga salarin at mabigay ang nararapat na hustisya sa krimeng ito.

Si Bundoquin ay kilalang brodkaster para sa DWXR Kalahi Radio 101.7 at MUX Online na binaril ng riding-in-tandem sa Barangay Isabel, Calapan City madaling araw nung Miyerkules.

Habang sinusulat po ang artikulong ito ay naghahanda na po tayo para personal na puntahan at makiramay sa pamilya. Nagkaroon na rin po tayo ng inisyal na pag-uusap sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Oriental Mindoro.

Maganda naman po ang naging report sa atin na may lead na sila sa kaso at umasa po kayo na kaagad po nating aaksyunan na hindi mapabilang ang kaso ni Bundoquin sa mga unresolved cases.

Sisikapin po nating mapanagot hindi lamang ang gunman kundi maging ang mastermind o mga mastermind sa likod nito. Sa mga oras po na ito na inyong binabasa ang artikulong ito ay nasa Mindoro na po tayo.

Hindi po tayo magkukunwari na alam nating may mangyayaring ganito sa mga kasamahan natin dahil kasama ito sa peligro sa ating trabaho. Hindi lamang po natin inaasahang ganito ito kabilis na ilang araw pa lamang po mula nang tayo ay naupo sa puwesto ay ganito na nga po ang nangyari.

Dahil sa ating propesyon, hindi natin maiiwasan na may mabangga tayong mga tao dahil sa kagustuhan nating makapaghatid ng makabuluhang balita sa ating mga mambabasa o tagapakinig ito po ang nangyayari sa atin.

Iba-iba man po ang mga dahilan at katangian ng bawat kaso ay hindi po kailanman katanggap-tanggap na mapaslang ang isang taga-midya.

Tulad po ng sinabi natin noong una, bagamat nagsisimula pa lamang tayong ayusin ang PTFoMS ay nakakaranas po tayo ng hirap sa simula o birth pains, bumungad po itong ganitong pangyayari.

Nasabak kaagad tayo sa trabaho.

Pero ganun po talaga. Ito po ang tawag ng ating tungkulin at gagawin po natin ang lahat ng ating makakaya para maibigay ang hustisya.

Ito po ang prayoridad ng ating trabaho. Kailangan po natin itong maresolba at mabigyan ng hustisya, mapanagot ang mga dapat mapanagot upang maging mensahe sa mga nais gumalaw sa mga taga-midya na mayroong PTFoMS na nakahandang proteksyunan ang hanay ng midya.

Umasa po kayo na hindi iiwan ng PTFoMS ang kasong ito hangga’t hindi napapanagot ang mga salarin na nasa likod ng krimen na ito.

AUTHOR PROFILE