Default Thumbnail

‘Binondominium I’ giniba na mga tirahan sa Delpan

May 31, 2022 Edd Reyes 474 views

SINIMULAN na ng mga informal settlers na nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sarili nilang tirahan sa itinayong Binondominium I na gibain ang kanilang bahay, partikular na ang mga residenteng nakatira sa center island, Martes ng umaga.

Sa panayam kay Manila City Engineering Office Chief Engineer Armand Andres, sinabi niya na nagdesisyon ang mga naninirahan sa lugar na sila na ang gumiba sa lilisanin nilang bahay upang makuha pa ang mga mapapakinabangan bago lumipat sa Binondominium I na isa sa mga ipinatayong gusali ni Mayor Isko Moreno Domagoso para ilaan bilang tahanan ng mga informal settlers.

“Actually, nag-uusap na kami ng Urban Settlement Office na yung mga nakalipat na, mamarkahan tapos tatanggalin, baka yung iba nagself-demolish na para makuha pa nila yung mga mapapakinabangan doon sa gigibain nilang tirahan,” sabi ni Engr. Andres.

Noong Abril 17, pormal ng binuksan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor at ngayon ay Mayor-elect Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang may 15-palapag na Binondominium I na may kabuuang 126 na units na may sukat bawat isa na 40-metro kuwadrado, may dalawang silid-tulugan, kusina, sala at banyo.

Kabilang sa mga naging benepisyaryo sa Binondominium I ang mga naninirahan sa center island na sakop ng Barangay 272 at 283 habang ang mga naninirahan naman sa Barangay 284 at 286 sa naturang din lugar sa Delpan ay nakatakda namang ilipat sa itatayong Binondominium II sa loob din ng Delpan Complex.

Sa kanya namang pahayag, sinabi ni Department of Public Services (DPS) Chief Kenneth Amurao na hindi sila na-abisuhan ng opisyal ng barangay sa lugar sa isasagawang demolisyon ng kanilang tirahan ng mga residenteng lilipat na sa Binondominium I bagama’t tiniyak niya sa mga apektadong motorista na hahakutin nila ang mga iniwang kalat sa lansangan.

“Hindi muna namin kaagad mahahakot ang mga nasa kalye kasi baka meron pa silang mga mapapakinabangang yero o anumang maibebenta nila pero tiyak na lilinisin namin yang lugar na yan sa oras na makumpleto na ang ginagawa nilang paggiba sa kanilang tirahan,” dagdag pa ni Amurao.

Sinabi pa niya na ang DPS, katuwang ang City Engineering Office ay nagpapatuloy sa pagsasagawa ng “clearing operation” sa malalaki at alternatibong mga lansangang ginagamit ng mga motorista lalo na’t napuna nila sa kanilang pagi-inspeksiyon na bumalik sa ilang mga lansangan ang paggamit bilang paradahan ng mga sasakyan at iba pang uri ng sagabal.

AUTHOR PROFILE