
BINI dokyu nominado sa New York Festivals TV, Film Awards
Pasok sa prestihiyosong 2025 New York Festivals TV and Film Awards ang dokumentaryo ng ABS-CBN tungkol sa nation’s girl group na BINI sa kategoryang Best Documentary in Biography and Profiles.
Sa pangunguna ng iWant Orginals at ABS-CBN News Documentaries, tampok sa “BINI Chapter 1: Born to Win” ang mga hamong kinaharap nina BINI Jhoanna, Maloi, Gwen, Mikha, Aiah, Colet, Sheena at Stacey, mula auditions hanggang sa pag-angat nila bilang isang Pinoy pop sensation na tinatangkilik sa loob at labas ng bansa.
Nakikipagsabayan ang kauna-unahang full-length documentary ng ABS-CBN News sa piling world-class TV at film entries mula sa mahigit 50 bansa sa buong mundo.
Ang BINI dokyu ang kauna-unahang full-length documentary ng ABS-CBN News sa loob ng apat na taon sa direksyon ng filmmaker na Jet Leyco, isinulat ni ABS-CBN chief of reporters Jeff Canoy, inedit ni Brian Gonzales at iprinodyus nina Karen Namora, Hera Sanchez at Tanya Navarro.
Pararangalan ang mga mananalo sa New York Festivals sa darating na May 22.
Ang kwento ng BINI ay mapapanood sa iWantTFC na available via Chromecast at Airplay.