BINI Day 2 concert postponed dahil sa Bagyong Pepito
NILIPAT ng date ang Grand Biniverse concert na dapat sana’y gaganapin ngayong Linggo sa Aranet Coliseum dahil sa Bagyong Pepito.
Sa ipinadalang opisyal na pahayag ng ABS-CBN, sinabi ng management na, “Dahil sa inaasahang pagtama ng Bagyong Pepito ngayong Linggo (Nob. 17), ang Grand BINIverse concert na nakatakda sana sa araw na iyon ay gaganapin na lamang sa Martes (Nob. 19) para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
“Magagamit ang lahat ng Day 2 tickets sa Nob. 19 sa Araneta Coliseum. Sa mga hindi makakapunta sa Nob. 19, pwedeng makipag-ugnayan sa Ticketnet para sa refund.
“Sa mga bumili ng iWantTFC passes para mapanood ang concert sa livestream, magagamit pa rin ang passes sa Martes (Nob. 19).
“Magpapatuloy naman ang Grand BINIverse concert sa Sabado (Nob. 16) at Lunes (Nob. 18). Bahagi ng kikitain mula sa Grand BINIverse concert ay ido-donate sa ABS-CBN Foundation para makatulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
“Maraming salamat sa inyong pang-unawa. Mag-ingat, Kapamilya!”
Samantala, hatid ng tinatawag na Nation’s Girl Group ang magiliw na musika ngayong Kapaskuhan sa paglulunsad ng kanilang bersyon ng “Joy To The World.”
Inilabas ito ng BINI kasama ng paglulunsad ng “Cherry On Top” Christmas remix noong Huwebes (Nob. 14).
Napapanood na rin ang animated official video ng “Joy To The World” sa BINI Official YouTube channel.
Tampok dito ang makulay na mga tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko tulad ng pagdiriwang ng Noche Buena, pagsasabit ng mga parol at iba pa.
May additional lyrics at musika sina Christopher James Moore Lopez o Moophs at vocal coach ng BINI na si Anna Achacoso-Graham sa reimagined version ng “Joy To The World.” Si Isaac Watts naman ang sumulat ng original version nito taong 1719.
Nagsisilbing patikim ang bagong handog ng BINI sa inaabangang three-day concert nila na “Grand BINIverse” na gaganapin sa Araneta Coliseum.
Sinusundan nito ang latest milestone na tinanggap ng grupo bilang “Best Asia Act” sa 2024 MTV Europe Music Awards (EMA).
Napapakinggan na ang “Joy To The World” remake ng BINI sa iba’t ibang digital streaming platforms.