Allan

‘Bingwit surveys’, alphabetical rumbles, etc

January 31, 2025 Allan L. Encarnacion 176 views

MAHIRAP din maging dependent tayo sa mga naglalabasang political survey.

Kung oobserbahan natin ang mga naglalabasang mga survey results, makikita natin na mga pangkaraniwang pangalan din ang nakakapasok sa winning circle, lalo na sa mga senador.

Maraming mga magagaling at marami rin ang mga popular subalit hindi nakakapasok sa magic 12.

Ang nakapagtataka rin minsan, biglang nagbabago ang mga ranking ng ibang kandidato na palagi namang nasa top 5 sa mga nakaraang surveys.

Bagana’t kaliwa’t kanan ang mga survey firms na gumagalaw, hindi ito ang magiging sukatan ng ating mga dapat iboto. Doon pa rin tayo sa sarili nating pagpapasya batay sa mga kandidatong totoong nagsusulong ng mga kapakinabangan ng ating mga mamamayan.

Hindi malayo ang posibilidad na may sariling “bidding process” ang ibang surveys na ang ranggo ay nakadepende sa laki ng ibinabayad ng nagkomisyon o gumastos para isagawa ang survey.

Ilang beses na nating narinig sa ibang kaibigan natin na may naglalako sa kanila ng mga surverys na parang menu sa restaurants. Iba-iba ang presyo, iba’t ibang pag-atake depende sa iyong kapasidad magbayad.

Iyong iba, “mag-enrol” ka muna bago maisama ang iyong pangalan sa mismong survey questsionaires. Hindi bumaba sa P250,000 hanggang P400,000 ang presyo dito para lang maisama ka sa listahan.

Iba pa rin ang bayad kung gusto mo ng rider or leading questions na pabor sa iyo mismo bilang kandidato.

Milyon na ang usapan kapag may kasamang briefer, rider, analytics, recommendations at “manobrahan” sa rankings.

May tinatawag din na “alphabetical rumble” o iyong kahit letter Z ang start ng surname mo, mapupunta ka sa unahan ng tanong. Mayroon ding top of mind questions or klase ng survey na hindi maglalagay ng mga pangalan subalit sa mga magiging tanong ay leading patungo sa iyong pangalan o sa iyong nagawa.

Pero hindi rin naman lahat ng survey ay ganito ang sistema. Mayroon din naman mga non-commissioned surveys o ginagawa lang para pulsuhan ang bayan. Pero hindi ganito palagi kasi nga may mga empleyadong kailangang pasahurin, may opisinang kailangang bayaran at mga bayarin sa kuryente, tubig at mga softwares na ginagamit.

Mayroon ding tnatawag na “bingwit survey” o fishing expedition survey na isang paraan para makalambat ng mga kliyente. Dito ay nang-aakit pa lang sila ng mga potensiyal na kukuha ng kanilang serbisyo.

Iyong mga masasama sa lambat, depende pa rin sa kayang ibayad para makapasok ka sa mataas na ranking. Parang mangingisda, iyong mga malalaking isda muna ang dinadakma kahit maraming klase na ang kanilang nalambat.

Kaya sa bandang huli, tayong mga boante pa rin ang magpapasya ng ating mga ibototo sa eleksiyon. Maraming beses na tayong napahamak dahil sa pagsunod natin sa mga surveys.

Ingat din tayo mga kababayan. Huwag tayong masyadong nagpapauto sa mga naglalabasang surveys.

[email protected]