Default Thumbnail

Binatilyo,14, na ‘nilamon’ ng ilog natagpuan na

August 18, 2022 Melnie Ragasa-limena 417 views

NATAGPUAN na ang 14-anyos na binatilyo na napaulat na nawala sa ilog ng San Mateo, matapos na lumutang ang bangkay sa Batasan-Marikina River sa Brgy. Old Balara sa Quezon City, Miyerkules ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Shelwin Steve Maga, 14, at residente ng No. 10 Kalusugan St., Brgy. Batasan Hills Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5 p.m. (August 17), nang matagpuang lumulutang ang bangkay ng biktima sa Sitio Payong, Batasan-Marikina River Brgy. Old Balara, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Lorenz Mappala, umaga ng Martes ay nagpaalam umano ang biktima sa inang si Maricris Arce na maliligo kasama ang mga kaibigan sa San Mateo River.

Bandang 7:00 ng gabi ay isang nagpakilalang Sheila ang nagsabi kay Aling Maricris na naliligo sila sa ilog nang biglang mawala si Shelwin.

Hinanap na umano nila sa ilalim ng ilog si Shelwin subalit hindi nila ito nakita.

Nakita na lamang ang bangkay ng biktima nitong Miyerkules ng hapon na lumulutang sa Sitio Payong, Batasan-Marikina River at agad na iniahon ng mga awtoridad.