Binatilyo, 12, nalunod sa Ilog Pasig dahil sa ‘harutan’

December 9, 2022 Jonjon Reyes 85 views

NILINAW ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) Homicide Section Unit sa pamumuno ni Police Lieutenant Dennis Turla na isang “12-anyos na lalaki” ang natagpuang bangkay na palutang-lutang sa Ilog Pasig, sakop ng Sta. Ana, Lungsod ng Maynila, kaugnay sa naunang report na umano’y isang labi ng “dalagita” ang narekober sa nasabing ilog.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, tinatayang umabot halos ng tatlong araw ang lumipas bago natagpuan ang biktimang 12-anyos na binatilyo, matapos mawalan umano ng balanse sa gitna ng biruan at harutan at pinaghihinalaang naitulak ito ng isang kaibigan dahilan para mahulog sa ilog at tuluyang malunod.

Iniluwa ng Ilog Pasig at nadiskubre na lamang ang biktima malapit sa Sta. Ana Ferry Station, sa Maynila, Disyembre 7, 2022.

Sa ulat ni Det. Christian Joseph Pineda na isinumite kay P/Lt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, pasado alas-3:05 ng hapon, Miyerkules, nang ireport ng Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station ang pagkakadiskubre sa bangkay ng menor de edad sa Sta. Ana Ferry Station.

Agad na rumesponde sa lugar si Pineda at saka ito isinailalim sa imbestigasyon.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, noong nakaraang araw ng Linggo, bandang 6:00 ng umaga nang magkayayaan umanong maligo sa naturang ilog na sakop ng Bgy. Poblacion sa Makati City ang biktima at mga kasama nito.

Nawalan umano ng balanse at tuluyang nahulog ang biktima sa gitna ng paglalaro sa tabi ng Ilog Pasig.

Tinangay ng malakas na alon ang menor de edad kaya agad umano humingi ng tulong sa Makati Police Station ang mga kasama nito at sa PCG, na mabilis namang nagsagawa ng retrieval operation, subalit bigo silang mahanap ang biktima.

Disyembre 7, nang maireport ng nasabing sub-station ng PCG ang pagkakadiskubre sa lumutang na bangkay habang nagpapatrolya sa pangunguna ni CG/ PO1 Leandro De Jesus saka nila ito ipinagbigay alam sa MPD Headquarters.

Dinala ang labi ng biktima sa Body and Light Funeral Morgue at kinumpirma ng ina na ito ang nawawalang anak.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Children and Women Protection Unit ng Makati Police Station kung sino ang dapat managot sa insidente.

AUTHOR PROFILE