Default Thumbnail

Binata, natagpuang nakasabit sa puno sa Kyusi

November 4, 2022 Melnie Ragasa-limena 310 views

NATAGPUANG nakabigti at wala nang buhay ang isang 21-anyos na binata, na huling nakitang nakikipag-chat umano sa kaniyang cellphone sa Barangay Siena, Quezon City, Biyernes ng umaga.

Ang biktima ay construction worker, at residente ng Bgy. Dela Paz, Antipolo City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:00 ng umaga (Nob. 4), nang madiskubre ang nakabigting biktima sa puno ng mangga sa nasabing barangay sa QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Angel T. Pascasio III ng CIDU, pagkagising umano ng kasamahan ng biktima na ay napansin niyang wala na ito sa higaan.

Dahil dito ay hinanap umano ng kaibigan ang biktima sa buong kabahayan subalit hindi niya ito nakita kaya lumabas siya ng bahay at doon ay bumungad sa kaniya ang nakabigting biktima sa puno ng mangga.

Ayon sa saksi huling nakitang buhay ang biktima bandang 10:00 ng gabi, noong Nob. 3, habang abala sa pakikipag-chat sa cellphone nito pero hindi na lamang niya pinansin at nauna na umano siyang natulog.

Hinala ng mga awtoridad na may kinalaman ang huling naka-chat ng binata sa ginawa nitong pagbibigti, gayunman inaalam pa nila ang motibo sa pagpapatiwakal nito.