Default Thumbnail

Binata huli dahil sa ‘panghihipo’

July 17, 2022 Edd Reyes 396 views

NAHIMASMASAN ang galit ng ina ng 33-anyos na binatang nabugbog ng magkakapatid matapos matuklasang gumawa umano ng kahalayan ang kanyang anak sa live-in partner ng isa sa mga nanggulpi Sabado ng gabi sa Navotas City.

Galit na galit na sinamahan ng ina ang kanyang anak upang maghain ng reklamo sa barangay laban sa magkakapatid subalit naroon na pala ang ginang na ginawan umamo ng kahalayan upang humingi rin ng tulong para madakip ang binata.

Lumabas sa imbestigasyon ng Navotas Police Woman and Children’s Protection Desk (WCPD) na natutulog na ang 23-anyos na ginang sa loob ng kanilang bahay sa Tulay 1, Tabing Dagat, Brgy. Daanghari nang maramdaman niyang may humahaplos sa maselang bahagi ng kanyang katawan dakong alas-9 ng gabi.

Inakala ng ginang na ang kanyang live-in partner ang humahaplos sa kanyang ari subalit nang imulat niya ang mga mata ay tumambad sa kanyang paningin ang suspek kaya’t nagsisigaw siyang humingi ng tulong.

Kaagad na sumaklolo ang kalive-in ng biktima, pati na ang dalawa niyang bayaw, at kaagad na pinagtulungan ang suspek subalit nagawa pa rin nitong makatakas.

Nang dumating sa barangay ang suspek, kasama ang ina upang magreklamo, doon na siya nakita ng biktima na dahilan para siya arestuhin at dalhin sa pulisya nina Javie Santiago at Rosendo Martinez, kapuwa tanod ng Brgy. Daanghari, matapos positibong kilalanin ng ginang.

Kasong acts of lasciviousness ang kinakaharap na kaso ng suspek matapos siyang iprisinta ng Navotas Police WCPD sa piskalya ng Navotas.

AUTHOR PROFILE