
Binata biktima ng ‘bugbog trip’
PINAGTULUNGANG bugbugin ng hindi pa kilalang mga kalalakihan ang 37-anyos na binata habang papauwi na sa kanilang tirahan Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.
Tumigil lamang sa ginagawang panggugulpi ang mga suspek nang mawalan na ng malay-tao ang biktimang si Jeffrey Nungay, residente ng Phase 6, Flovi Homes, Letre Road, Brgy. Tonsuya, at mabilis na nagsitakas bago pa man makapagresponde ang mga tauhan ng barangay.
Kaagad na humingi ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 ang mga opisyal ng barangay nang makitang lupasay at wala ng ulirat ang biktima.
Isinugod nina Pat. Marc Rodriguez at Pat. Renerio Macabeo si Nungay sa Tondo Medical Center, kung saan nananatili siyang nakaratay at ino-obserbahan, matapos irekomenda ni Dr. John Michael Hundana na isailalim siya sa medical laboratory test upang alamin ang mga pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Iniutos naman kaagad ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro sa mga tauhan ng Sub-Station 5 at Follow-Up Unit ang pagkilala at pagtugis sa mga may kagagawan sa pambubugbog sa biktima.
Nirerebisa na rin ng Station Investigation and Detective Management Unit ang mga kuha ng nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga may kagagawan sa pambubugbog habang inaalam pa kung ano ang motibo.
Ayon naman kina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas, may hawak ng kaso, lasing umano ang biktima at pauwi na nang gulpihin ng mga suspek ilang hakbang na lamang ang layo sa kanyang tirahan.