Binabago ng BBM Media Bureau ang landscape ng propaganda sa kampanya

January 24, 2022 Marlon Purification 429 views

Marlon PurificationHINDI ko masisisi ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kung hindi ito dumalo sa nakalipas na ‘The Jessica Soho Presidential Interview’ na ipinalabas sa GMA 7 noong nagdaang Sabado.

Eh ano ngayon kung tinawag na ‘biased’ ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman at chief of staff ni BBM, si Jessica. Ito ang pananaw ng kampo ni Marcos at sigurado tayong may batayan kaya nasabi nila ito.

Taong 2011 nang huling ma-interview one on one ni Jessica si BBM. Kitang-kita rito kung paano paulit-ulit umikot ang tanong tungkol sa Martial Law. (https://m.facebook.com/watch/?v=753059482343056&_rdr)

Maaaring sa iba ay bahagi ito ng trabaho ni Jessica, pero normal lang din sa mga Marcos para masamain ito. Halata naman kasi na iba ang pakay ng mga propagandista ng dilawan tungkol dito.

Kahit saang anggulo tingnan, walang kinalaman si BBM sa Martial Law. Bakit ba puro bintang na kamalian ng Martial Law ang pinag-iinitan itanong? May nagtanong ba tungkol naman sa kabutihan ng Martial Law?

Kinilala ba kahit minsan ni Jessica ang mga ipinatayong hospital, kalsada, tulay, pabahay at maraming iba pa na ipinagawa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.?

Kung ginawa ito ni Jessica, doon natin sasabihin na hindi ‘biased’ ang multi-awarded broadcast journalist.

At dahil hindi ito ginawa ni Jessica sa interview noong taong 2011, masisisi ba natin kung akusahan siya ngayong bias?

Tiyak may magsasabi na walang karapatan ang sinuman na diktahan ang sinumang mamamahayag tungkol sa mga tanong na dapat nilang ibigay sa kandidato.

Tama iyan.

Kung karapatan nating mamamahayag na magtanong ng gusto nating itanong, may karapatan din ang sinumang kandidato na tumanggi sa mamamahayag na ayaw nilang mag-interview sa kanila.

Hindi rin puwedeng sabihin na pagkitil ito sa kalayaan ng pamamahayag dahil kahit sinong media ngayon ay nai-interview si BBM.

Sa ganang akin, kahanga-hanga ang ginagawang propaganda ngayon ng kampo ni BBM.

Binabago ng BBM Media Bureau ang ‘landscape’ sa mundo ng propaganda. Na hindi porke malaking media ka ay magkukumahog sila para ma-interview ang kanilang ‘principal.’ At isang malaking sugal ito sa mundo ng propaganda na walang ibang may kakayahan lamang na gumawa nito kundi ang BBM camp.

Kung baga, eh ano kung ABS-CBN o GMA 7, eh puwede naman silang lumabas sa TV5, CNN Philippines, SMNI at iba pa.

Ang catch, ang daming shares nito at views sa social media kasi sa loob at labas ng bansa, basta mayroong Pinoy ay inaabangan ang paglabas ng sinusuportahan nilang kandidato na si Marcos.

Sabagay, lumabas sa social media kamakalawa na umabot umano sa P28.7 million ang nawala sa GMA 7 nang umatras ang 10 nilang advertisers nang malamang hindi kasama sa mai-interview ni Jessica si BBM.

Kung totoo man ito, ibig sabihin, mas kailangan ng GMA 7 ang popularity ni BBM, kaysa kailangan sila ng nangungunang kandidato sa bansa. May halong usapin sa negosyo rito at hindi purong karapatan sa pamamahayag ang isyu!

Ilang eleksiyon na rin ang inabot ko simula nang maging mamamahayag tayo.

Ngayon lang ako nakakita na ANG KANDIDATO NA ANG TUMATANGGING MAGPA-INTERVIEW SA MGA SIKAT NA MEDIA!

Ngayon lang din ako nakakita ng tumatakbo sa pagkapangulo na KAHIT SINONG MALILIIT NA MEDIA AY PUWEDE SIYANG MA-INTERVIEW!

Mula sa number 1 radio station sa buong bansa na DZRH, gayundin ang DZXL-RMN Manila, DWIZ, malugod na pinapaunlakan ni BBM ang radio interview pati sa DZME.

Ang nakahahanga, maliit o malaking media mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ay pinauunlakan din ni BBM basta walang conflict sa schedule.

Ibig sabihin, lahat ng media ay pantay-pantay para sa kanila. Walang dapat mag-inarte at walang dapat mag-feeling entitled.

Kung tutuusin, mas dapat pa ngang magpasalamat ang kampon ng dilawan kasi pagkakataon na ni Leni Robredo na mag-shine sana sa ‘The Presidential Interview.’

Ang kaso, ang gusto talaga ng mga kampon ay humanap na lang ng butas kay BBM sa halip na ilatag ang kanilang plata porma de gobyerno kung mayroon man.

Ang inaaabangan nila ay matisod si Marcos sa mga sasabihin nito sa panayam at anuman ang wikain nito ay hahanapan pa rin nila ng butas.

Ika ‘nga: ‘Damn if you do, damn if you don’t!’

Ang catch, wala na nga si Marcos sa programa ni Jessica, kulelat pa rin si Leni kumpara sa mga sagot nina Isko Moreno, Ping Lacson at Manny Pacquiao.

Kung hindi biased si Jessica, bakit nga pala wala si Ka Leody de Guzman na isa ring sinserong kandidato sa pagkapangulo ngayon?

Ang isa pang pagkakamali ng kampon ng dilawan ngayon ay habang binubugbog si Marcos, lalo lamang ito nakakakuha ng maramihang simpatya.

Iyan ay mula mismo sa pag-aaral na isinagawa ng Louis Perron at Figlio, mga respetadong research company sa labas ng bansa.

At kung tinging natisod nila si BBM dahil sa hindi paglabas kay Jessica Soho, nagkakamali sila kasi lalo lang itong nakaka-gain ng traction ngayon!

Alam na alam iyan ng kampon ng dilawan dahil sila mismo ang nag-komisyon sa focus discussion group ng Figlio.