Bill para pwede magturo Pinoy dual citizens sa HEIs isinulong
NAGHAIN sina Sens. Sherwin Win Gatchalian at Joel Villanueva ng panukalang batas na nagpapahintulot sa mga Pilipinong dual citizens na pumasok sa mga pampublikong higher education institutions (HEIs) bilang mga guro, mananaliksik o administrators.
Sa panukala ng dalawang senador, inaamyendahan ng Senate Bill No. 2733 ang Section 5 (3) ng Republic Act No. 9255 o ang ‘Citizenship Retention and Re-Acquisition Act of 2003.’
Sa ilalim ng panukala, maaaring makapasok sa mga pampublikong HEIs ang sinumang dual citizen na Pilipino ng hindi tinatalikuran ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa.
Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 9255, maaaring mahirang sa public office ang mga nagpanatili or nag-re-acquire ng kanilang Philippine citizenship kung manunumpa sila ng katapatan sa Republika ng Pilipinas at tatalikuran nila ang panunumpa ng katapatan sa ibang bansa.
Bagama’t nagbukas ito ng oportunidad sa marami, nananatili itong sagabal sa mga nais maging guro, mananaliksik, at administrator sa bansa dahil kailangan pa rin nilang talikuran ang panunumpa nila ng katapatan sa ibang bansa, ayon sa mga senador.
Ayon kay Gatchalian, maaaring dumami ang mga internationally competitive na mga faculty members sa bansa kung mawawala ang restriction na ito.
“Sa gitna ng patuloy nating pagsulong ng internationalization sa sektor ng edukasyon, napapanahon nang buksan natin ang ating mga pampublikong kolehiyo at mga pamantasan sa mga kababayan nating may mga dual citizenship.
Magiging oportunidad ito para madagdagan ang mga gurong handang magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan mula sa ibang bansa,” ani Gatchalian, co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education at Chairman ng Senate Committee on Basic Education.