Bong

Bill para makabangon ang industriya, isinumite ni Sen. Bong

July 13, 2022 Ian F. Fariñas 276 views

SA gitna ng paghihingalo ng industriya ng pelikulang Pilipino ngayong pandemya, isinumite ni Sen. Bong Revilla ang Senate Bill No. 28 na naglalayon na matulungan itong bumangon muli.

Sa panukalang batas, bibigyan ng fiscal incentives ang proprietors, lessees at operators ng mga sinehan.

Nakapaloob din doon ang panukalang alisin ang iba’t ibang klase ng national at local taxes na ipinapataw sa industriya gaya ng income tax, excise tax, value-added tax at amusement tax.

Kapalit ng insentibo, limang porsiyento ng gross income na kinita ay babayaran sa gobyerno kung saan tatlong porsiyento ay ipapadala sa national government at dalawang porsiyento naman sa Treasurer’s Office ng siyudad o munisipalidad.

Ani Sen. Bong, “Bilang isa sa labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic, ang Philippine movie industry ay labis ding naapektuhan at napakarami nang nawalan ng hanapbuhay dahil sa hirap mag-produce ng pelikula at nagsara ang mga sinehan na grabeng nagpalugmok sa sitwasyon ng mga film producers, movie theater operators at mga manggagawa sa likod ng camera.”

Dagdag niya, kahit marami nang sinehan ang nagbukas sa buong bansa, marami pa ring Pinoy ang alumpihit na manood ng pelikula dahil sa mga patuloy na ipinapataw na mga restriksyon kasabay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Kapansin-pansin din daw na marami sa mga Pilipino ang mas pinipipili ang makabagong teknolohiya na sa isang pindot lang ay may mga bagong pelikula nang mapapanood kumpara sa mga sinehan na hindi rin mapigilan ang pagtaas ng singil sa takilya.

“Marami na tayong natulungang mga negosyo at establisyimentong makabalik sa kanilang paa matapos hagupitin ng pandemya. At hindi dapat natin kalimutan na ang industriya ng sining at paglikha ay kasama sa mga itinuturing nating frontliners dahil sa gitna ng delubyo, sila ang pinaghugutan ng libangan at kasiyahan ng mga Pilipino.

“Kaya nga kasama sa top 10 priority bill na isinumite ko sa Senado ang matulungang makaahon ang movie industry. Personal sa akin ang labang ito at hinding-hindi ko pababayaan ang industriya na pinagmulan pa ng aking mga magulang.

“Alam ko ang hirap na dinanas at patuloy na binubuno nila habang sinusubukang bumangon. Ito ang panahon upang maging katuwang nila tayo tungo sa panibagong bukas,” giit ng aktor-politiko.

AUTHOR PROFILE