Default Thumbnail

Bilang ng nasawi sa pag-ulan sa VisMin nasa 49 na

January 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 216 views

UMAKYAT na sa 49 katao ang nasawi bunga ng walang tigil na pagbuhos ng ulan simula noong Pasko sa Visayas at Mindanao.

Ito ang inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa update ng ahensiya, 25 sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, walo mula sa Bicol; tig-apat mula sa Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at Davao Region; tatlo mula sa Caraga; at isa mula sa Mimaropa.

Labing-anim sa mga nasawi ang kumpirmado habang ang natitirang 33 ay sumasailalim pa sa validation.

Nasa 22 ang nawawala at 16 ang nasugatan.

Sa kasalukuyan, umabot na rin sa 553,983 katao o 141,115 pamilya ang naapektuhan sa 959 barangay sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Umabot naman sa 10,147 katao o 3,232 pamilya ang pansamantalang nanatili sa 93 evacuation centers habang ang 41,309 katao o 10,991 pamilya ang nanatili sa labas mg evacuation centers.

Ayon sa NDRRMC, umabot sa P243,029,507.42 halaga ang naging pinsala sa agrikultura at P1,137,605,000 ang pinsala sa imprastraktura.

Nasa P2,050,000 naman ang iniulat na pinsala ng National Irrigation Administration (NIA).

Nasa P47,925,704.87 halaga ng tulong ang naibigay ng gobyerno sa mga apektado ng pagbaha sa iba’t-ibang panig ng bansa.