Bilang ng kasali sa Pantawid Pasada hindi sapat

March 24, 2022 Paul M. Gutierrez 131 views

PaulSA halos apat na milyong bilang ng tricycle drivers sa buong bansa, 113,000 lamang sa mga ito ang mabibigyang ayuda sa ilalim ng Pantawid Pasada ng pamahalaan.

Ang nasabing bilang, sabihin pa, ay sadyang hindi sapat, sabi pa nga ng TODA partylist, na nagsusulong ng interes at kapakanan ng mga TODA at numero 41 sa balota ngayong halalan.

Para kay TODA partylist first nominee Rovin Feliciano, malaking tulong para sa mga tricycle drivers ang ayuda sa gasolina ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensyong nagaganap sa Ukraine.

Subalit mas mainam aniya kung mas madaragdagan ang bilang ng mabibiyayaan ng ayuda na matagal nang hinihiling ng sektor ng tatlong gulong.

“Matagal na ring iniinda ng ating mga kasamahaan sa tricycle operation ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina kaya mainam na maipamahagi na ang ayuda sa lalong madaling panahon at hiling namin na dagdagan pa ang bilang ng mabibiyayaan nito,” ayon kay Feliciano.

“Sa maliit na nilang kita bago pa sumipa ang presyo ng produktong petrolyo ay tuluyang naging katiting na lamang ang naiiuuwi ng tricycle drivers ngayon kaya panawagan namin sa pamahalaan ang agad na pamamahagi ng suporta para sa sektor ng tatlong gulong,” dagdag ni Feliciano.

Kasalukuyan ding nananawagan ang TODA partylist para sa suspensyon ng pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang bumaba ang presyo ng gasolinang kinokonsumo ng mga Pilipinong ang ikinabubuhay ay nasa linya ng pamamasada.

Bilang boses ng mga Pilipinong nasa linya ng operasyon ng traysikel, isinusulong din ng TODA partylist ang muling pagpapatupad ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) upang masigurong hindi lubos na naaapektuhan ang sektor ng transportasyon sa biglaang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.

********************************

Hindi pa tapos ang labada, ehek, ang laban, mga kabayan.

Noong Miyerkules, Marso 23, kasama ang Guardians Brotherhood at Automated Election System (AES) Watch, nagsampa ang National Press Club (NPC) ng ‘mandamus’ sa Korte Suprema, upang “obligahin” ang Commission on Elections (COMELEC) na gampanan ang mandato nito sa ilalim ng batas at Konstitusyon na tiyaking malinis, may kredibilidad at “bukas” (transparent) ang ating darating na halalan.

Napilitan ang mga nasabing grupo sa nasabing hakbang dahil nga hanggang ngayon, tila “bantulot” (hesitant) ang COMELEC na matapat na gawin ang kanilang mga obligasyon, pansin ba ninyo mga kabayan?

Ang ‘mandamus’ ay isang kautusan mula sa korte sa isang ahensiya ng gobyerno na gawin nito ang kanyang mga itinatakdang obligasyon sa ilalim ng mga batas.

Kung tutuusin, hindi na ito dapat mangyari. Dangan nga lang kasi sa napakaraming pagkakatao at sa mga nakaraang halalan, nakita natin ang COMELEC na hindi naman sinusunod ang sarili nitong mga proseso upang matiyak na may kredibilidad at walang tamang hinala ang ating mga mamamayan sa proseso at resulta ng ating eleksyon.

Harinawang mabilis na resolbahin ng ating mga mahistrado ang usaping ito.

And yes, dear readers, hindi inaabandona ng NPC ang pagtutol nito sa kasuduan (MOA) ng Rappler at COMELEC.

Patuloy natin itong tutulan hanggang tuluyang maibasura. Sa ganang atin, ang nasabing MOA ay isa pang patunay na mababawasan (na naman) ang kredibilidad ng ating eleksyon at ang integridad ng COMELEC, mismo!

Abangan!

AUTHOR PROFILE