
Biktima ng trafficking nabuking sa pekeng pirma
NAHARANG ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng trafficking makaraang iprisinta niya ang isang dokumento na may pekeng lagda ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang biktima ay 30-anyos na babae na sumailalim sa primary inspection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa pagtatangkang lumabas ng bansa sa pamamagitan ng Philippine airlines flight patungong Singapore.
Una pang nagpakilala bilang empleyado ng DOJ ang babae bilang administrative staff at babiyahe sa Singapore bilang delegado sa sa isang official travel kasama si Undersecretary Nicholas Felix Ty, ang namamahala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Si Ty ay kasalukuyang nasa Thailand para sa forum kaugnay sa people smuggling, trafficking in persons, at iba pang related transnational crime.
Ipinakita ng biktima ang travel authority na pirmado ni Ty subalit napansin ng mga tauhan ng BI ang inconsistency sa lagda.
Sa beripikasyon, nakumpirma na peke ang travel authorityat ang biktima ay na-recruit na magtrabaho sa United Arab Emirates (UAE) bilang entertainer.
Magbabayad umano ito ng 38,000 AED para sa pekeng dokumento documents, sa pamamagitan ng salary deduction sa loob ng dalawang taon.
Inamin din ng biktima na ang mga dokumento ay ibinigay sa kanya sa isang fast food chain malapit sa paliparan.
“The fake documents presented in this case is ridiculous,” saad ni Tansingco.
“Faking the signature of the USec in Charge of IACAT to avoid scrutiny is the idea of these illegal recruiters and human traffickers who will not stop finding ways to evade inspection,” dagdag ng opisyal.
Agad namang itinurnover sa DOJ-IACAT ang biktima para sa paghahain ng kaso laban sa kanyang mga recruiters.