Biktima ng mga bagyo inayudahan ni Sen. Win
PINAIGTING ni Senador Win Gatchalian ang kanyang relief operations sa ilang munisipalidad sa Catanduanes, Albay, Ilocos Norte, at Cagayan kasunod ng sunud-sunod na mga bagyong tumama sa bansa nitong mga nakaraang linggo.
Namahagi si Gatchalian ng kabuuang 5,700 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P10.83 milyon, na mula sa Valenzuela City.
Kasama si Valenzuela City Vice Mayor Lori Natividad-Borja at ang mga kawani ng Valenzuela City Social Welfare and Development, ibinigay ni Gatchalian ang P1.9 milyong halaga ng food assistance sa pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes ngayong Linggo. Ang tulong ay inilaan para sa 27,539 na pamilya na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Pinalawak din ni Gatchalian ang kanyang tulong sa Albay. Namahagi siya ng P380,000 halaga ng food assistance sa bayan ng Libon kung saan may 21,687 pamilyang apektado. Noong mga nakaraang linggo, namahagi din siya ng mahigit P2.35 milyon halaga ng pagkain at karagdagang P2.35 milyon na cash assistance sa mga biktima ng baha sa Legazpi City at mga munisipalidad ng Guinobatan, Daraga, Polangui at Oas.
Sa susunod na linggo, nakatakdang i-turn over ng senador ang 500 sako ng bigas, na nagkakahalaga ng P950,000, sa Pagudpud, Ilocos Norte. Maghahatid din siya ng mahigit P7.6 milyong halaga ng food assistance sa lalawigan ng Cagayan, na sumasaklaw sa mga bayan ng Aparri, Buguey, Sanchez Mira, Gonzaga, Claveria, at Tuguegarao City. Ani Gatchalian, ang mga pagsisikap na ito ay para sa humigit-kumulang 8,367 pamilya sa Pagudpud at 78,638 pamilya sa Cagayan, na patuloy na nakikipaglaban kasunod ng pinsalang dala sa kanilang buhay ng mga nagdaang bagyo.
“Inaasahan natin ang agarang pagbangon ng ating mga kababayan na nasalanta ng nagdaang mga bagyo. Patuloy tayong magbibigay ng tulong sa kanila hanggang masiguro natin na makabalik na sila sa normal na pamumuhay,” ani Gatchalian.