‘Big One’ paghandaan
Ng maayos na sistema ng pagbibigay ng info
SINABI ni Sen. Alan Peter Cayetano na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng impormasyon bilang bahagi ng paghahanda sa mga kalamidad.
Sinabi ito ni Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Science and Technology, sa pagdinig ng panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act.
“God forbid that the ‘Big One’ hits Metro Manila, and it can also hit Mindanao, Metro Cebu, or Baguio City.
Not only should we consider the preparedness, but the cascading of information kasi as presented earlier, pwedeng down ang lahat ng [communication] lines,” wika ng senador.
Aniya, malaking problema ito dahil noong tumama ang super typhoon Yolanda noong 2013, napag-alaman na mayroon lamang 30 satellite phones ang buong network ng gobyerno na hawak ng militar noong panahon na iyon.
Binanggit din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagmamapa ng mga pampublikong imprastruktura na nasa ibabaw ng fault line, pati na ang pagsusuri ng kanilang linya ng komunikasyon.
“I don’t know if any of our train systems, skyways are built on top of a fault line. Assuming meron na ngang tremor, is there any direct information about the LRT, MRT, Skyway, or is it through media na nagmomotor din sila?,” tanong ni Cayetano.
Sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na ang kanilang ahensya ay kadalasang nagbibigay ng impormasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni Bacolcol na nagpo-post din ang Phivolcs ng real-time na impormasyon sa pamamagitan ng mga social media account nito.
Binigyang-diin rin ni Cayetano ang kahalagahan sa pag-mapa ng fault line sa buong bansa at pamamahagi ng impormasyon sa mga ahensyang namamahala sa pampublikong imprastraktura.
Tungkol sa pangangailangan para sa mas maraming kawani sa Phivolcs, iminungkahi din ni Cayetano sa ahensya na bumuo ito ng isang scholarship program na maghihikayat sa kabataang Pilipino na kumuha ng mga in-demand na kurso sa agham tulad ng hazard mapping.
“We’ll try to put something in the bill that would encourage Phivolcs to have a special scholarship program,” aniya.
Natapos ang pagdinig sa pangunguna ni Cayetano sa pag-apruba sa Phivolcs Modernization Act at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act sa antas ng Senate Committee on Science and Technology.