Default Thumbnail

Big Fish

September 11, 2021 Marlon Purification 487 views

Marlon PurificationSA GITNA ng paglaban ng pandemya, tuloy-tuloy din ang operasyon ng mga awtoridad laban sa iligal na droga.

Pinakahuling operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang pagkakasabat ng 182 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon sa Block 6 Lot 15, Springville Executive 1 sa Molino, Bacoor.

Sa operasyon napatay ang mga drug suspect na sina Basher Bangon, 59, ng Cagayan de Oro, at Danilo Untavar, 51 anyos, ng Datu Ismael, Dasmarinas City.

Si Bangon ang target ng operasyon na kilalang top-level drug personality na may kaugnayan sa Chinese drug syndicate na may operasyon sa Visayas at Mindanao areas.

Narekober din sa lugar ang P600,000 cash, dalawang identification cards, at dalawang short firearms.

Sa kasabay ding operasyon sa Imus at Bacoor sa Cavite, nasabat naman ang 229 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P1.58 billion.

Nasakote sa operasyon sina Lani Micoleta, 45, at Aldwin Micoleta, 47.

Ang mga operasyon na ito ay kasunod ng matagumpay ding operasyon ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 sa ilalim ng pangunguna ni Regional Director, Police Brig. Gen. Valeriano de Leon katuwang ang PDEA sa Candelaria, Zambalers.

Nagresulta ito sa pagkakapatay sa apat na Chinese at pagkakasabat ng 500 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 billion.

Sa follow up operation sa Barangay Tipo, Hermosa, Bataan, nasabat din ng mga awtoridad ang 80,000 grams ng shabu na may halagang P544 million at pagkakaaresto sa tatlong Chinese nationals.

Samantala, sa loob lamang ng isang linggong operasyon ng grupo ni de Leon, 104 drug personalities ang nasakote sa 74 police operations.

Nakumpiska sa kanila ang 262.59 gramo ng shabu na may estimated value na P1.785 million at 16.49 grams ng Marijuana.

Sa pagsunod sa direktiba at pagsisikap ni PNP chief, Police General Guillermo Eleazar, tiniyak ni de Leon na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng anti-criminality campaign bilang pagtugon sa kanilang mandato na ‘to serve and protect’.

Sumasaludo tayo sa magigiting nating heneral ng ating bayan lalo pa’t pinatutunayan nila na ang laban kontra droga ay hindi lamang nakatuon sa mga ‘maliliit’ na drug suspect kundi tinatarget ang malalaking isda.

Ipagpatuloy natin ang laban hanggang tuluyang masugpot ang salot na iligal na droga sa bansa.