BIFF commander, 43 iba pa sumuko sa Kabacan Cotabato

December 13, 2022 Zaida I. Delos Reyes 125 views

SUMUKO sa tropa ng militar ang kumander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kasama ang 43 iba pa nitong kasamahan na kasapi ng Karialan Faction sa Kabacan, Cotabato.

Ayon kay 6th Infantry Division (ID) ng Philippine Army (PA) spokesperson Lt. Col. Dennis C. Almorato, kusang loob ng sumuko sa 90th Infantry Battalion (IB) ang kumander ng BIFF na hindi muna pinangalanan.

Kasamang sumuko ng lider ang apat na sub-leaders at pitong “bomb experts” ng BIFF.

Isinuko din ng mga dating rebelde ang 34 na samu’t-saring armas at siyam na high explosives ammunitions.

Ang mga ito ay isinuko ng mga rebelde kay Lt. Col. Rommel Mundala, battalion commander ng 90IB.

“Napagtanto nila na panahon na para talikuran ang kanilang ipinaglalaban at nais na nilang mamuhay ng normal kasama ang kanilang mga pamilya,” pahayag ni Mundala.

Aniya, ang pagbalik-loob ng dating mga rebeldeng BIFF ay dahil na rin sa pagsisikap ng mga sundalo kasama ang suporta ng local government unit (LGU).

“Ang pagsuko ay resulta ng joint effort ng 90th Infantry Battalion at ng mga intelligence unit na naka-deploy sa lalawigan,” pahayag ni Col. Donald Gumiran, commander ng 602 Brigade.

Ayon kay Galido, commander ng Joint Task Force Central (JTFC), isasailalim sa proseso ang enrolment ng mga former violent extremist sa reintegration program ng gobyerno upang tuluyang makapagbagong buhay ang mga ito.

“Their documents will also be processed for enrolment in the reintegration program of the government,” pahayag ni Galido.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang JTFC at 6ID sa mga naging biktima ng disinformation ng BIFF na magbalik-loob na sa pamahalaan alang-alang sa kanilang mga kaanak.