Default Thumbnail

Bid out ng port management contract minamadali ng PPA?

March 4, 2022 Marlon Purification 604 views

MINAMADALI na umano ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pag-bid out sa mga kontrata sa iba’t ibang pantalan bago matapos ang termino ng administrasyong Duterte at nina PPA Board na pinangungunahan nina DOTr Secretary Arthur Tugade at PPA General Manager Jay Daniel Santiago.

Ito ay sa kabila ng hiling ng iba’t ibang sektor na panatilihin muna ang status quo at itigil ang pagpasok ng mga bagong port operators bitbit ang taripang labis na taas, sa gitna ng pinsala dulot ng Bagyong Odette, pagtaas ng presyo ng gasolina, ang matinding epekto ng COVID-19 at ang giyera sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine.

Dahil dito, marami ang nagtatanong ngayon kung bakit kailangan ‘i-railroad’ ito, gayung marami ang nagsasabi na makadadagdag lamang ito sa pagtaas lalo ng presyo ng bilihin.

Simula Abril 2021, naigawad na ng PPA ang kontrata para sa 13 pantalan sa dalawang operators lamang na Harbour Centre Port Holdings ni Congressman Mikee Romero at ang Prudential Customs Brokerage Services, Inc. ni Rommel Ibuna.

Marami ang nangangamba dahil biglang tumaas ang halaga ng taripa na umaabot sa 700% sa Puerto Princesa 4 at 400% sa Tacloban.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce Tacloban-Leyte, ito’y isang uri ng “economic sabotage” lalo na ang sambayanan ay nasa gitna ng kahirapan.

Kung tutuusin, ang PPA at ang bagong Operator lamang ang kumikita mula sa bulsa ng taumbayan, sabi ng ilang eksperto.

Matapos igawad ng PPA ang P1-bilyong port terminal management contract para sa pantalan ng Surigao, inimbitahan naman nito noong Pebrero 17 ang mga bidder para sa 15-taong kontrata sa pamamahala ng mga pantalan ng Tagbilaran, Bohol at Masao, Agusan del Norte.

Ang concession fee para sa pantalan ng Tagbilaran ay di bababa sa P1.712 bilyon at P149.896 milyon naman para sa pantalang ng Masao.

Ang parehong pantalan ay nasa ilalim ng Tier 3 na ang ibig sabihin, kasama sa pamumuhunan ng mga kontratista ang mga kagamitan sa itaas ng lupa pati na rin ang mga mobile-handling na ekwipo.

Binabawi ng mga kontratista ang mataas na concession fee sa pamamagitan ng pagtaas ng halaga ng taripa na pinahihintulutan ng PPA.