Nora

Bianca sa pakikipagtrabaho kay Ate Guy: Tatatak sa aking alaala

February 8, 2025 People's Tonight 234 views

Nora1PARA kay Bianca Umali, ang pagsasama nila ng Superstar na si Nora Aunor sa pelikulang “Mananambal” ay tatatak sa kanyang alaala.

Ito ang sinabi ng Kapuso actress sa kanyang post sa Instagram matapos ang mediacon ng naturang pelikula.

Ang proyekto ay umiikot sa pagsasamantala ng isang grupo sa pamilya ng isang “mananambal” para sa kanilang kapakinabangan. Magdadala ito sa kanila ng mga katatakutan na hindi nila kayang takasan.

Ngayong February 19, bibida nga rito ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ate Guy kasama si Bianca mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr.

Ang ‘Mananambal’ ay tungkol sa isang grupo ng content creators na maglalakbay patungong Sitio Cambugahay upang hanapin si Lucia (Aunor), isang “mananambal” na naging viral dahil sa kanyang healing powers.

Ang isang “mananambal” ay isang Pilipinong manggagamot na gumagamit ng traditional medicine at meron ding kakayahan sa kulam.

Ang kanilang paghahanap kay Lucia ay magdadala sa kanila para makilala si Alma (Umali), ang anak ni Lucia, na nais mabuhay ayon sa sariling kagustuhan dahil hindi nito gustong sumunod sa yapak ng kanyang ina. Pero ang paggamit ng grupo kay Alma para mapalapit kay Lucia ay magdudulot ng matinding kapahamakan kay Alma.

Nang bumalik sa Maynila ang content creators, makakaranas sila ng mga hindi maipaliwanag at nakakatakot na pangyayari, kung saan ang kamatayan ay walang humpay ang paghabol sa kanila.

Sila ba ay biktima ng sumpa ng isang mananambal, o ng isang mas madilim na pwersa? Isang bagay ang tiyak: ang lahat ng kasamaan ay may matinding kapalit. At kung may dapat silang matutunan—huwag na huwag mong gagalitin ang isang mananambal.

Dahil sa kanyang paghanga sa kwento ng pelikula at sa production team ng proyekto, tinanggap ng nag-iisang “Superstar” ng Philippine cinema ang ‘Mananambal’.

“Maganda ang istorya. Mababait rin ang mga tao sa production,” ibinahagi ni Ate Guy sa isang interview. Ang pagganap niya bilang si Lucia — na nahaharap sa tungkulin bilang isang mananambal at isang ina na poprotektahan ang anak — ay tiyak na magiging mahalagang bahagi ng kanyang matagumpay na karera.

Ang pelikula ay nakatanggap ng international recognition matapos ipalabas sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Japan noong May 2024.

Iginawad ng festival ang Best Dramatic Actress award kay Bianca para sa kanyang pagganap bilang Alma.

“This means the world to me,” ayon sa aktres sa kanyang acceptance speech. “This award acknowledges all of the hard work and dedication that I have poured into my craft and in this project.”
Inialay din niya sa nag-iisang Ate Guy ang kanyang parangal: “Karangalan ko po na makatrabaho kayo and I hope that you are here with me, maraming maraming salamat po.”

Ang ‘Mananambal’ ay isang patunay ng makulay na sining ng pelikulang Pilipino. Huwag palampasin ang isang rollercoaster ng takot at kaba na mag-iiwan sa’yo ng mga tanong tungkol sa lakas ng sumpa at halaga ng katarungan.

Kasama rin sa pelikula sina Kelvin Miranda, Edgar Allan Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero. Mapapanood ito sa mga sinehan nationwide simula February 19.

AUTHOR PROFILE