
Bianca sa pag – arte kasama si Ate Guy: ‘Magical’
CHALLENGING para kay Bianca Umali ang Mananambal pero sulit naman daw ang paggawa niya ng pelikula kasama si Superstar Nora Aunor dahil tila dumaan siya sa isang acting master class.
Kuwento ni Bianca: “Then po dumating siya (Nora) nu’ng araw na ‘yun and then pagdating po niya, para pong slow-mo po e, sa paningin ko. Pagpasok po niya, Miss Nora Aunor is such a loveable (person) and Miss Nora is very tiny and huggable.”
Dagdag pa ng aktres ay magical umano ang mapanood si Nora habang umaarte.
Makakasama rin nina Bianca at Nora ang kanyang kapwa Sang’gre star na si Kelvin Miranda, at iba pang Sparkle stars na sina Jeric Gonzales at Edgar Allan Guzman na mga proud din makasama ang naturang National Artist.
Ang sikreto nina Lexi at. Gil
KLARO umano para kina Kapuso couple Lexi Gonzales at Gil Cuerva ang boundaries sa kanilang mahigit tatlong taon na relasyon.
Ipinahayag din ng celebrity couple kung gaano ka-importante ang tiwala sa isang relationship.
Sa Fast Talk with Boy Abunda episode nitong Martes, February 11, ibinahagi nina Lexi at Gil kung paano nila itinakda ang kani-kanilang relationship boundaries.
“I think ako din I don’t ask so much of his time. If he needs his own personal space, I’d give that. Kasi I guess, hindi ko rin pinagkakait ‘yun sa kaniya,” sabi ni Lexi.
Dagdag pa ng aktres na malaking tulong din sa kanilang relationship na hindi sila parehong seloso, kahit pa may kani-kanilang set of friends sila ni Gil.
Martin nagpapasalamat kay Dolly
LUBOS ang pasasalamat ni Martin del Rosario sa award-winning film and theater actress na si Dolly de Leon.
Isa si Dolly sa mga nanood ng special preview performance ng 2025 staging ng “Anino sa Likod ng Buwan” na pinagbidahan ni Martin kasama sina Elora Españo at Ross Pesigan.
Ito ang debut performance ni Martin sa teatro kaya mahalaga sa kanya ang feedback mula kay Dolly.
Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Martin ang isang maikling video kung saan makikitang pinuri siya ni Dolly at binigyan pa ng payo tungkol sa pag-arte sa entablado.
“It’s truly heartwarming to hear such kind words from someone I truly look up to. Thank you Tita @dollyedeleon ,” sulat ni Martin sa caption ng kanyang post.
Ang “Anino sa Likod ng Buwan” ay isang dula na isinulat ng award-winning writer at director na si Jun Robles Lana.
Noong 2015, ginawa niya itong pelikula na may parehong pamagat at pinagbidahan nina LJ Reyes, Anthony Falcon, at Adrian Alandy.
Itatanghal ito muli ngayong 2025 sa PETA Theater mula March 1 hanggang March 23.
Ruru sobrang alaga sa katawan
BUSY sa taping ng pinagbibidahan niyang action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan si primetime action hero Ruru Madrid.
Gayunpaman, hindi niya kinakalimutang alagaan ang kanyang katawan.
Bilang bida ng serye, kailangan niyang maging malusog at malakas. Bukod dito, kailangan din ay maganda ang kanyang pangangatawan para sa maraming fight scenes dito.
Kaya naman kahit abala sa taping, humahanap ng paraan si Ruru na isingit ang oras para makapunta sa gym at mag-workout.
Sa isang maikling video na ibinahagi niya sa Instagram, ipinakita ng aktor ang ilang bahagi ng session niya kasama ang longtime fitness coach niyang si Ghel Lerpido.
“Bulking season’s over–time to cut down. Let’s get it,” sulat ni Ruru sa caption ng kanyang post.
Samantala, ibinahagi din ni Ruru ang ilan pang mga bagay na dapat abangan sa susunod na episodes ng Lolong: Bayani ng Bayan.
Magiging bahagi ng cast nito ang viral sensation at ToRo Family member na si Mikay.
Super Tekla talagang straight daw siya
AYON kay The Boobay and Tekla Show host na si Super Tekla, may mangilan-ngilan pa ring nagdududa sa kaniyang gender identity.
Meron pa ring iilan na nagdududa kung straight ba talaga si Super Tekla, lalo na’t madalas siyang magdamit pambabae tuwing lumalabas sa TV o nagpe-perform sa mga events.
“May mga mangilan-ngilan. Sabi, ‘Ano ba talaga ang identity mo?’ Dati kasi Tito Boy, naging parang ano ako, lalaki, para akong mag-aayos ng aircon. Alam mo ‘yung ganun?” sabi ni Tekla.
Ngunit ayon sa kanya ay hindi ito umubra para sa kanya bilang performer at sa halip ay mas naguluhan pa umano ang mga manonood kung isa ba talaga siya sa mga performers.
“’Yung nag-dress up ako ng girl, lumabas ‘yung character ko, so in-embrace ko ‘yun pero I’m totally a guy, straight,” sabi ng komedyante na ang tunay na pangalan ay Romeo Librada.
Kainailangan daw maging “madiskarte” sa entertainment industry para mapansin siya.
“Ina-adapt ko na lang siya, kasi kailangan mong maging madiskarte rito… Kung kailangan mong sumabay, kung saan ka, wala namang masasagasaan. You have to build your character, you have to build your own identity na ikaw ‘yan,” saad niya.
Sa katunayan, nakabihis-lalaki siya sa normal na buhay o kapag hindi nagpe-perform. Sinabi rin niyang isa siyang ama sa tatlo niyang anak, kabilang na ang isang teenager na si Aira.