Bianca Bianca Umali

Bianca na-shock sa tanong tungkol sa billing nila ni Ate Guy

February 8, 2025 Eugene E. Asis 241 views
Nora2
Nora Aunor

HALATANG nabahala ang Kapuso actress na si Bianca Umali sa tanong ng isang entertainment editor/columnist kung totoong pinapapalitan ng mas malaki ang billing niya sa pelikula nila ng Superstar na si Nora Aunor na “Mananambal”.

Sasaluhin na sana siya ng direktor ng pelikula na si Direk Adolf Alix, Jr. pero hinarang siya ni Bianca: “May I speak first na po?”

“I am shocked by your question po, but I would like to handle it as professional as possible.

“I believe po the question is inappropriate for the event and also… hindi ko po alam kung ano ang nararamdaman ko because that is…I do not have any idea about that.

“And I am worried about how people in this room might take it, hearing it from the representative from the press,” sabi ng Kapuso actress na kahit nabigla sa nasabing question ay maayos niya itong nahawakan.

Ayon sa nagtanong, gusto lamang niyang makuha ang panig ni Bianca para na rin maipagtanggol nito ang sarili. Naitanong na rin daw ito ng naturang kolumnista at editor sa talent manager ni Bianca na si Tracy Garcia ng Sparkle GMA Artists Center at pinabulaanan na ito ng huli.

“Kasi nu’ng Monday, may kumakalat na ganyang isyu. So, sabi niya, tanungin daw si Direk (Adolf).

“Tapos kanina, tinanong ko si Tracy, sabi ni Tracy mismo, ‘That’s not true. Hindi namin pinapapalitan. Yes, we requested na medyo lakihan. So, yun nga, medyo nilakihan nga siya,’” paliwanag pa ng kolumnista.

Pero hindi pa nasiyahan si Bianca sa paliwanag ng nagtanong sa kanya, “Pasensiya na po, pero I would just like to clarify also na the opportunity to work with the Superstar, with our National Artist, is already a blessing.

“And it is an opportunity that I already knew na hindi ko po palalampasin. Being with her on set was a masterclass for me and was a dream I never thought I would achieve this early in my career.

“Kaya po yung makasama si Miss Nora is already enough,” paliwanag pa ng girlfriend ni Ruru Madrid.

Dugtong pa ng aktres, “Ako, bilang isang aktor and the love that I have for my craft, and the respect I have for myself and the industry, billing is not really… it’s a bonus.

“It is something …I don’t know internally, but ito pong question is something that I am not aware about and bonus na lang po yun.

“It is a recognition as to how people see and respect the way I do my work. Pero dito po sa pelikulang ito na Mananambal, napakatagal ko pong panahon na hinintay itong maipalabas dahil pinaghirapan po naming lahat ito.

“At marami pong pinagdaanan ang pelikulang ito. At ang maipalabas po ito at makita, lalo na po na ito ang pagbabalik-pelikula ni Miss Nora Aunor, is all that matters. Maraming salamat po,” saad ng dalaga.

Dahil wala rin doon ang superstar, nagpaliwanag din si Direk Adolf, “I think it would be unfair…yung idea po of billing with anyone, na artista po for that matter, siguro alam naman po nila na si Ate Guy deserves all the rightful billing being she’s an icon in the industry. Wala naman po sigurong magko-contest.

“Ang kanyang billing ay billing na nararapat sa kanya at sa mga iba pa pong artista na may history as a performer.

“So, hindi ko po alam kung saan nanggaling yun. Kami po ng producer namin, when we were designing the poster, alam naman po namin kung saan ilalagay at kung para kanino ang nararapat na tamang billing.

“Kasi, ako rin po bilang direktor, ayaw ko rin po na may naaapi o mayroong hindi tama doon sa billing. Kung ano po ang nakikita n’yo ngayon, ‘yan po yung tama at nararapat,” paliwanag pa ni Direk Adolf.

Ayon sa direktor na malapit na kaibigan ni Ate Guy, sensitibo ang kalagayan ng superstar at hindi ito puwedeng makihalubilo sa maraming tao kaya wala ito sa naturang presscon. Pero ayon sa dirtektor, nanonood ito sa live Facebook broadcast ng presscon na ginanap sa Viva Cafe sa Araneta Center. Nag-hi si Bianca sa superstar.

Samantala, palabas na sa mga sinehan ang “Mananambal” nationwide simula sa February 19. Kasama rin dito sina Kelvin Miranda, Edgar Allan Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero. Ang naturang pelikula ay mula sa Viva Films.

AUTHOR PROFILE