POGO Photo Bureau of Immigration

BI sa mga POGO workers: Visa i-downgrade para ‘di ma-deport

October 7, 2024 Jun I. Legaspi 167 views

PINAALALAHANAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na kusang-loob na mag-downgrade ng visa bago ang deadline sa Oktubre 15.

Muling binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na walang extension sa pagsasampa ng visa at oobligahing umalis ng bansa ang mga maghahain pagkatapos ng deadline.

Ibinahagi ni Viado na ang BI, kasama ang PAGCOR, nagsagawa ng briefing noong Setyembre 30 kasama ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng POGO.

Sa nasabing briefing, sinabi ng BI na maaaring magsagawa sila ng “implementation days” para sa mga kompanya ng POGO kung saan maaaring ipatupad ng ahensya ang downgraded visa status at maglabas ng exit clearances on-site.

Idinagdag niya na ang mga kinatawan mula sa DOLE naroon din sa mga araw ng serbisyo upang tanggapin ang mga isinusulong na Alien Employment Permits mula sa mga manggagawa ng POGO.

Sa ngayon, higit sa 10,000 POGO workers na ang nagsampa para sa visa downgrading at inaasahan ng ahensya na tataas pa ang bilang na ito habang papalapit ang deadline.

Ang visa downgrading nagbibigay-daan sa mga dayuhan na ibalik ang kanilang status mula sa work visa patungo sa temporary visitor visa at nagpapahintulot sa kanila na legal na manatili sa Pilipinas nang 59 na araw habang inaayos ang kanilang mga personal na gawain.

Ang 59 na araw mula sa deadline naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-utos na ang mga dayuhang POGO workers dapat umalis ng bansa bago matapos ang taon.

“We are expediting the downgrading process to comply with the President’s directive. We encourage POGO workers to file as early as possible to avoid complications,” sabi ni Viado.

Bilang bahagi ng inisyatiba ng gobyerno na unti-unting itigil ang mga operasyon ng POGO, isang interagency task force na binubuo ng BI, Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), PAGCOR at iba pang pangunahing ahensya ang binuo upang mangasiwa sa pagsasara ng mga POGO at tumulong sa mga apektadong manggagawa.

Binibigyang-diin ng BI na pinasimple ang mga proseso upang matiyak ang pagsunod at ang mga hindi makakapag-downgrade bago ang deadline o hindi makakaalis ng bansa bago ang Disyembre 31 haharap sa deportasyon at pag-blacklist.

AUTHOR PROFILE