BI chief nababahala sa dumadaming fake passports
AMINADO si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na nababahala siya sa dumaraming menor de edad na nagpapakita ng mga pekeng foreign passports.
Ito’y makaraang tatlong batang Vietnamese ang nahuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagpakita ng illegally-obtained German passports.
Sinabi ni Tansingco na posibleng kaso ito ng trafficking of minors na iligal na pumasok sa bansa.
Naharang ng mga tauhan ng BI sa NAIA terminal 1 ang dalawang Vietnamese na babae na nagtangkang pumasok sa bansa sa pagpanggap na mga German nationals at nagpakita ng German passports.
“They were look-alikes, but were detected as both German passports prompted a hit in the BI’s Interpol derogatory check system indicating that their travel documents were reported as lost or stolen,” saad ni Tansingco.
Kinalaunan, inamin ng dalawa na hindi sa kanila ang mga pasaporte at binigay lamang sa kanila ng fixers upang mas madali silang makabiyahe sa halip na gumamit ng kanilang Vietnamese passports.
Samantala, isa pang Vietnamese minor ang naharang sa NAIA Terminal 1 noong Hulyo 23 bago sumakay ng Korean Airlines flight patungong Incheon, South Korea bago magtungo sa Toronto, Canada.
Iniharap nito ang isang fraudulently-acquired German passport subalit kinalaunann inamin din ang tunay na pagkatao at ipinakita ang Vietnamese passport.
Agad itong isinailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang nagpapatuloy ang removal proceedings.