Default Thumbnail

BHWs magiging kawani ng gobyerno

August 31, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 353 views

Sa panukala ni Cayetano, kaalyado sa Tamang Serbisyo sa Kongreso

INIHAIN ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, Taguig Rep. Lani Cayetano, at kanilang mga kaalyado nitong Martes ang panukalang batas na naglalaong itaas ang kompensasyon at benepisyo ng barangay health workers (BHWs).

Kasama ng mga Cayetano sa paghahain ng House Bill (HB) 10112 sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Layunin ng panukala na obligahin ang local government units (LGUs) na kumuha at pagkalooban ng kompensasyon ang barangay health workers sa estadong job order, casual, contractual, o regular employees.

Itatatag ng panukala ang Special Barangay Health Workers Assistance Program sa ilalim ng Department of Health (DoH).

Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ng karagdagang pinansiyal, pagsasanay, teknikal na tulong, at iba pang porma ng suporta ang BHWs.

“As frontliners of our Primary Healthcare System, our Barangay Health workers must be given sufficient incentives, benefits, and most of all, just compensation for all the hard work they have done for us.

The goal of improving the Primary Healthcare System necessarily carries with it the responsibility of taking care and supporting those in charge of implementing the same,” anang explanatory note ng panukala.

Sakaling maipasa, kukunin ang pondo para sa karagdagang kompensasyon ng BHWs sa karagdagang pondo sa LGUs na matatanggap mula sa implementason ng Supreme Court’s Mandanas-Garcia ruling.

Sa ilalim ng desisyon, nilinaw nito na kasama na ang custom duties at ilang porma ng pagbubuwis sa parehas na “share” ng LGUs sa pangongolekta ng pambansang buwis.

Dahil dito, inaasahang madadagdagan ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng LGUs sa susunod na taon.

“Therefore, there’s (an) additional source of funds for the salaries and benefits of Barangay Health Workers who tirelessly sacrificed for their community, especially during this pandemic,” dagdag ng panukala.

Magugunitang matagal nang isinusulong ng mga Cayetano ang karagdagang insentibo sa BHWs.

Sa kanilang distrito sa Taguig, umaabot sa kabuuang 918 BHWs ang kinuha ng LGU alinman bilang job order o casual employees.

Nakakatanggap ng buwanang P7,900 hanggang P11,000 ang isang BHW na nagta-trabaho sa lungsod at mayroong performance incentive bonuses, overtime pay, at hazard pay.

Kasama rin ang Barangay frontliners sa listahan ng pangunahing mga benepisyunaryo ng HB No. 8597 o 10K Ayuda Bill na inihain ni Cayetano at kanyang mga kaalyado noong Pebrero 1, 2021.

Layunin ng panukala na pagkalooban ng P10,000 ayuda ang bawat pamilyang Pilipino lalong-lalo na ang mga pinakamahihirap sa gitna ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 pandemic.

AUTHOR PROFILE