bola

Bgy execs umalma sa STL operations sa QC

July 26, 2021 People's Tonight 81 views

NAGPAHAYAG ng pangamba ang mga pamunuan ng barangay sa Quezon City matapos ang umano’y ginanap na pagpupulong ng mga Small Town Lottery (STL) operator sa lungsod noong Martes, Hulyo 21 ng hapon.

Ayon sa inisyal na impormasyon, dinaluhan ng mga STL operator ang pagpupulong na idinaos umano sa tanggapan ng isang QCPD official.

Ibinunyag pa ng grupo na nadagdagan ang kanilang alalahanin ng malaman nila na walang naging partisipasyon o kinatawan sa pagpupulong ang tanggapan ni QC Mayor Joy Belmonte.

Kuwestiyonable umano ang impormasyon ng pagpapasok ng STL sa lungsod ng walang ugnayan sa tanggapan ng kanilang mayor na alam naman ng lahat na tumututol dito.

Idinagdag pa ng mga ito na sa kasalukuyan ay may umiiral na gambling committee sa lungsod kaya sa teknikalidad ay iligal umano ang operasyon ng STL.

Direktang inihalimbawa ng mga opisyal ang ipinatawag kamakailan ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) na isang STL na mula umano noong Hulyo 15 ay nag-ooperate na ng tatlong beses sa loob ng isang araw batay na rin sa kanilang Facebook Account, subalit ayon naman sa operator ay dry run lang.

Maituturing umanong binalewala ng mga STL operator ang gambling committee sa lungsod sa pagdaraos ng tuluy-tuloy na pagbola, gayundin ng umano’y QCPD official na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin umano ito inaaksyunan.

Ayon sa mga nababahalang opisyal, isa umanong dating pulis ang nangangasiwa ng pagpupulong sa mga STL operator.

Sinikap na makuha ng mga media ang panig ng umano’y QCPD official ukol sa nasabing issue.

AUTHOR PROFILE