Bgy. Ex-O timbog sa pananaksak
HINDI alintana ng isang Barangay Executive Officer (Ex-O) na dapat sana’y isa ito sa magbibigay proteksiyon sa kanyang nasasakupan ngunit kabaligtaran dahil sa kinasangkutan nitong pananaksak sa isang binatilyo sa Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., station commander, bandang 9:45 ng gabi nang maganap ang insidente.
Lumabas sa imbestigasyon, papauwi na umano ang 18-anyos na binatilyo matapos umano dumalo sa isang birthday party at nang makita ito ng suspek ay kaagad siyang kinompronta dahil sa diumano’y matagal nang alitan.
Umabot sa suntukan ang dalawa hanggang bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang binatilyo.
Nakita umano ng mga bystander ang ginawa ng suspek sa biktima kaya hinabol ito na tumakbo sa direksiyon ng Barangay Hall ng Bgy. 792 kung saan nagkataon na nasa lugar si Bgy. Ex-O Limuel Leonen na siyang dumakma sa suspek at itinuro rin kung saan nito itinapon ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Kasalukyang nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD)-Sta. Ana Police Station 6 ang suspek na nakilalang si Ryan Cariño, aka “Gio” ng Florentino Torres St. sa Bgy. 791 sa Sta. Ana at kakaharapin ang kasong frustrated homicide.
Patuloy namang inoobserbahan sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Aljay Almanzor, ng Valle St., Kahilum 1, Bgy. 871, Pandacan, Manila dahil sa tama ng saksak sa kaliwang dibdib. Jon-jon Reyes at C.J Aliño