BGY CHIEF ITINUMBA SA TAAL!
Di pinaabot sa BSKE
PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang kapitan ng barangay sa Taal, Batangas, nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni Taal Police Chief, Major Fernando Fernando ang biktima na si Erasmo “Resty” Divino Hernandez, chairman ng Barangay Poblacion, Zone 10 sa Taal.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 4-A, ang insidente ay naganap dakong 7:20 ng umaga sa tapat ng barangay hall.
Nakaupo umano ang biktima sa tapat ng barangay hall at nagpapahinga nang lapitan siya ng dalawang armadong suspek at pinagbabaril gamit ang isang kalibre 45 na baril.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Sta Teresita, Batangas, habang isinugod naman sa Lemery Doctors Hospital ang biktima subalit ideneklara siyang dead on arrival ng mga doktor.
Sinabi ni PRO 4-A Public Information Office Chief, Lt. Col. Chitadel Gaoiran na tatakbo sana sa kaniyang ikalawang termino bilang kapitan ng barangay ang biktima.
Matatandaan na nitong Lunes, inihayag ni Philippine National Police Chief, Police Gen. Benjamin Acorda Jr. na nasa pitong insidente na ng karahasan na hinihinalang may kinalaman sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2023 ang kanilang naitatala at mino-monitor.