Default Thumbnail

Bgy chairman, asawa patay sa pananambang

January 31, 2023 Zaida I. Delos Reyes 234 views

PATAY ang kapitan ng isang barangay at misis nito matapos na tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Lunes ng hapon sa Parang, Maguindanao del Norte.

Ang mga nasawi ay ang 40-anyos na chairman ng Bgy. Polloc at 39-anyos na maybahay nito.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame ang pananambang ay naganap dakong 5:45 ng hapon (Enero 30) sa kahabaan ng Bgy. Timbangan.

Ayon kay Maj. Christopher Cabugwang, hepe ng Parang Police, ang mga biktima ay lulan ng kanilang pickup truck pauwi sa kanilang bahay nang paulanan sila ng bala ng dalawang lalaking lulan naman ng isang motorsiklo.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang mag-asawa subalit hindi na sila umabot ng buhay.

Ayon pa sa ulat, galing umano ang mag-asawa sa pagsu-supervise ng pagpaparehistro sa mga bagong botante at pauwi na sa bahay nang maganap ang insidente.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krime ang mga basyo ng bala mula sa .45 kalibre ng baril.

Kaugnay nito, agad namang nag-alok ng P100,000 si Parang Mayor Kahar Ibay sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon at makakapagturo kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa mag asawa.

Sa panig ng pulisya, sinabi ni Cabuwag na patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang bigyang linaw ang insidente.