BFAR Source: DA

BFAR tuloy pagmonitor sa fishing area na apektado ng oil spill

August 8, 2024 Cory Martinez 131 views

PATULOY ang isinasagawang pagmomonitor at pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga fishing area at komunidad na apektado ng tatlong magkakasunod na oil spill sa karagatan ng Bataan.

Kasabay nito, nagpakalat na rin ang BFAR ng mga tauhan sa mga catch landing site at lokal na pamilihan upang masiguro na hindi makakaabot sa mga mamimili ang mga nakontaminang laman-dagat at masuri ang market dynamic upang mapanatili ang presyo ng isda.

Malubhang naapektuhan ang mga fishing area at komunidad hindi lamang sa Bataan kundi pati na rin sa Cavite dahil sa paglubog ng motor tanker na (MT) Terra Nova malapit sa baybayin ng Lamao Point sa Limay noong Hulyo 25, 2024; MTKR Jayson Bradley sa Mariveles noong Hulyo 27, 2024; at ang MV Mirola 1 sa Mariveles din noong Hulyo 31, 2024.

Nagpakalat na rin ang BFAR ng mga floating asset upang matulungan ang mga partner agency sa pagmomonitor, clean-up operation, at fabrication at deployment ng mga oil spill booms gamit ang mga net at coco fiber.

Regular na nakikipag-coordinate ang BFAR sa mga provincial local government at ang Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) upang mapabilis ang kanilang recovery program.

Nakatakda naman ang BFAR na maglabas ng fuel subsidy at karagdagang food packs/relief packages upang maibsan ang epekto ng oil spill sa kabuhayan ng mga apektadong mangingisda.

Bina-validate din ng bureau ang mga alternatibong lugar na puwedeng pangisdaan ng mga mangingisda.

Bilang safety measure, pinayuhan ng BFAR ang mga konsyumer na huwag munang kumain ng mga isdang nahuli sa mga lugar kung saan nangyari ang mga oil spill. Ito ay upang maiwasan ang insidente ng food poisoning dahil sa pagkain ng kontaminadong laman-dagat.

AUTHOR PROFILE