BFAR

BFAR namigay ng food packs sa 1,612 mangingisda sa Noveleta

August 4, 2024 Cory Martinez 138 views

NAGBIGAY ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga food pack sa 1,612 na mangingisda sa Noveleta, Cavite bilang ayuda sa naganap na oil spill.

Ayon kay Director Isidro Velayo, officer-in-charge ng BFAR, ang pagbibigay ng mga food pack bahagi ng paunang ayuda sa mga mangingisda upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya habang inihahanda pa ang kaukulang tulong sa kanila.

Lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Cavite dahil sa sa oil spill mula sa lumubog na MT Terranova sa karagatan ng Limay, Bataan noong Hulyo 25.

“Simula pa lamang ito ng aming comprehensive relief and recovery plan para sa mga apektadong mangingisda sa Cavite.

Nakatuon kami sa pagbibigay ng suporta at nakikipagtulungan sa mga komunidad upang maibalik ang kanilang kabuhayan at matiyak ang matatag na recovery,” ani Velayo.

Naglalaman ang mga food pack ng bigas, de lata and iba pang hindi nasisirang pagkain na makakatulong sa mga pamilya sa panahon ng krisis.

Kinilala rin ng BFAR ang pagiging matatag ng mga mangingisda at ipinangako ang walang sawang suporta sa kanila.

Sinabi pa ni Velayo na pinaplano ng BFAR ang iba pang assistance program katulad ng livelihood restoration initiative at environmental rehabilitation effort.

AUTHOR PROFILE