Best police regional office, target muli ni Gen. Baccay

March 23, 2022 Edd Reyes 278 views

Edd ReyesNANG maupo bilang Director ng Police Regional Office 3 (PRO-3) si P/BGen. Mathew Baccay, ang una niyang iniutos sa mga provincial director at iba pang opisyal at tauhan ay ang pagtupad ng tapat sa tungkulin at gumawa ng kabutihan.

Tiniyak niya na magagantimpalaan ang mga may mabuting gawa at mapaparusahan naman ang mga masasangkot sa masasamang gawain.

Isa kasing malaking hamon Kay Gen. Baccay ang pamunuan ang PRO-3 lalu na’t itinanghal ito bilang best regional police office at karangalan para sa kanya ang masundan ang yapak ng pinalitan niyang si BGen. Val De Leon na isa raw sa mga hinahangaan niyang senior officers.

Aminado kasi si Gen. Baccay na posibleng tumaas ang antas ng krimen sa mga lalawigan ng Central Luzon na kanyang nasasakupan dahil sa maraming kadahilanan, kabilang na rito ang nalalapit na halalan, pagluluwag sa galaw ng mga tao dahil sa pagbaba sa Alert Level 1 at sunod-sunod na kapistahan sa iba’t-ibang lungsod at bayan.

Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin si Gen. Baccay na mapapanatili pa rin nila, sa tulong ng kanyang mga Provincial Directors sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales, ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa buong rehiyon upang maigawad muli sa kanila ang best regional police office.

Hindi lang kasi sa pagsugpo sa kriminalidad nakatutok ang atensiyon ng mga provincial directors kundi maging sa galaw na rin ng makakaliwang grupo lalu na ngayong panahon ng halalan, pati na rin sa pagsugpo sa ilegal na droga at ilegal na sugal.

Naniniwala kasi ang kapulisan na karaniwang nagsisimula ang maliit na problema sa hindi kalakihang aktibidad tulad ng ilegal na sugal na kapag napabayaan ay nagiging isang malaking suliranin.

Isa na siguro rito ang paglaganap ng mga ilegal na sugal sa iba’t-ibang bayan sa Bulacan sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Rommel Javier Ochave na karamihan ay ginagamit ang nalalapit na kapistahan.

Tradisyunal na kasi sa mga lalawigan ang paglalagay ng kasiyahan bago at pagkatapos ng araw ng kapistahan at ito ang sinasamantala ng mga gambling operator para maglatag ng ilegal na sugal na karaniwang pinagmumulan ng kaguluhan.

Hindi na kasi pinipili ng mga gambling operator ang lugar na dapat paglatagan ng iba’t-ibang uri ng sugal kaya’t kahit sa tabi ng munisipyo at paaralan, tulad ng inilatag ng isang Ricky Quiros at Lourdes sa bayan ng Balagtas Bagong Munisipyo at sa Burol 2 sa tapat pa mismo ng paaralan at maging sa bayan ng Pulilan sa tabi ng Divimart at Triple J sa Brgy. Matungaw na ang mga operators naman ay nakilala sa mga alyas Mhel, Mike at Fred.

May mga latag din daw sa Brgy. Tangos sa Baliwag, Brgys. Tabang at Sta Rita sa Guiguinto at Brgy. Caypombo sa Sta Maria sina Lourdes, Jessica at Elias habang pinutakti rin ang mga barangay ng Malibo, Siling Bata, Northville at Santol sa Pandi nina alyas Jun Hapon, Bonjing at Ope habang si Mike din ang itinurong naglatag sa Area H6 sa Sapang Palay.

Pero tiyak namang kayang kalusin ni Col. Ochave ang mga ganitong uri ng ilegal na aktibidad sa kanyang nasasakupan kung gugustuhin dahil mas mahirap kung pagsisimulan pa ito, hindi lang ng kaguluhan, kundi ng pagdaming muli ng kaso ng COVID-19.

NAVOTAS, TUMULONG SA ODETTE SURVIVORS

Malinaw na hindi isang uri ng pamumulitika ang ginagawang pagtulong ni Navotas Mayor Toby Tiangco sa limang lokal na pamahalaan na sinalanta kamakailan ng bagyong Odette dahil noon pa palang taong 2014 ay ginawa na rin ito ng kanyang kapatid na si Cong. John Rey Tiangco sa dalawang munisipalidad sa Eastern Samar noong siya pa ang alkalde ng lungsod matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

May kabuuan kasing P1.5 milyon ang naipamahagi ng lokal na pamahalaan ng Navotas sa pamamagitan ng kanilang City Disaster Risk Reduction Management Office sa mga lokal na opisyal ng Dapa, Surigao Del Norte, Ilog, Negros Occidental, Gingoog, Misamis Oriental at lalawigan ng Dinagat Islands at Bohol.

Sabi ni Mayor Tiangco, bagama’t limitado ang kanilang budget at mapagkukuhanan ng pondo dahil sa dalawang taong paglaban sa COVID-19, masuwerte pa rin dahil may naibahagi pa rin silang tulong sa mga kapuwa Pilipinong higit na nangangailangan.

Aniya, dati’y sila ang tinutulungan dahil sa matinding baha na nararanasan pero sa pakikiisa ng bawat Navoteño, madali nilang nalalabanan ang problema, maging ang pandemya, at nagagamit pa ng wasto ang pondo na bayan hindi lang sa pagpapa-anagt ng kabuhayan kundi pagtulong din sa bawat Pilipinong nangangailangan.

AUTHOR PROFILE