Belmonte

Belmonte top mayor sa NCR

August 10, 2023 Zaida I. Delos Reyes 578 views

NANGUNA si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa listahan ng top 10 mayors sa Metro Manila, ayon sa grupong Hypothesis Philippines.

Nakakuha si Belmonte ng 93.8% rating. Sinundan siya ni Navotas Mayor John Rey Tiangco 92.7%, Pasig Mayor Vico Sotto 92.5%, Makati Mayor Abby Binay 92.1% at Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na may 91.6% rating.

Ginawa ang survey noong Abril 3-14, 2023. Samantala, ginawaran din si Belmonte ng Presidential Lingkod Bayan Award sa 2023 Search for Outstanding Government Workers ng Civil Service Commission.

Napanatili ni Belmonte ang tiwala ng taumbayan lalo na sa lungsod na kaniyang pinamumunuan dahil sa kaniyang aktibong pangunguna at masigasig na pagseserbisyo sa publiko.

Nilagdaan nina CSC NCR Committee Chairperson Judith Dongallo-Chicano at Committee Members Maverick Sevilla, Joselito Florendo, Hans Alcantara, at Vlademir Villacorta ang parangal.

Pinasalamatan naman ni Mayor Belmonte ang CSC sa pagkakaloob sa kanya ng karangalan.

“Nagpapasalamat tayo sa CSC sa napakalaking karangalang ito. Ngunit ito’y hindi para sa akin kundi para sa lahat ng mga kasama natin sa Quezon City government na naglilingkod ng buong husay sa lahat ng QCitizens,” pahayag ni Belmonte.

”Kung hindi sa kanila, hindi natin matatamo ang pagkilalang ito na nagsisilbing patunay na epektibo at kapaki-pakinabang ang ating mga programa’t proyekto sa ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde.

Nominado rin sa Pagasa Award ang iba pang opisyal ng Quezon City gaya nina City Administrator Michael Alimurung, Chief of Staff Rowena Macatao, Business Permits, at Licensing Department Head Margarita Santos, City Engineer Atty. Dale Perral at City Treasurer Edgar Villanueva.

Maging ang namayapang traffic enforcer na si Jeffrey Antolin ay nominado sa Dangal ng Bayan Award dahil sa pagbubuwis ng buhay maisalba lamang ang isang commuter.