Bela ididirek ang sariling pelikula sa Rein Entertainment
SIKSIK sa mabibigat na proyekto ang taong 2025 para sa Rein Entertainment Productions nina directors Lino Cayetano, Shugo Praico at Philip King.
Pangungunahan ito ng pelikulang “Caretakers” nina Iza Calzado at Dimples Romana sa first quarter ng bagong taon.
Sa isang intimate Christmas lunch kasama ang entertainment media, sinabi ni Direk Lino na excited sila para sa “Caretakers” dahil hindi lang ito maganda at malalim kundi napapanahon din.
Kwento ito ng dalawang pamilya na ang isa ay tagabantay ng bahay ng pangalawa.
Ani Direk Shugo, swak ang tema nito, lalo na sa mga taga-Asya.
“In fact, there’s already international distribution interest in ‘Caretakers,” salo naman ni Direk Lino. “Nu’ng inikot namin sa Singapore, siyempre ‘yung ‘Drug War’ (isa pa nilang produksyon’) yung nagbandera, pero actually, we had it (‘Caretakers’) in our back pocket, so may mga nag-signify na ng interest, nag-book ng mga meetings to distribute ‘Caretakers’ worldwide,” patuloy niya.
By second quarter, target nilang maumpisahan ang love story/romance/horror na pinamagatang “Friday the 14” na partly ay kukunan pa sa Busan, South Korea.
Ididirek umano ito at pagbibidahan din ng Viva Artists Agency (VAA) talent na si Bela Padilla.
Matatandaan na noong 2022 ay ginawa ni Bela ang kanyang directorial film debut na “366” katambal ang dating na-link sa kanya na si Zanjoe Marudo.
“In every project that we do, tinitingnan namin, ano ‘yung maaambag nu’ng collaboration so parang feeling namin, collaborating with Bela, sa’n kami magaling, ano rin ‘yung expertise namin. Parang doon nabuo ‘yung konsepto ng isang Korean-Filipino love story, pero it’s also a horror thriller,” saad ni Direk Lino.
May pagkakahalintulad umano ito sa dating pelikula rin ni Bela na “Ultimate Oppa,” kung saan nakatambal naman ng aktres ang K-actor na si Yoo Min Gon. Pero, siyempre, may Rein twist, paglilinaw ni Direk Philip.
“Meaning the horror, the edginess,” dagdag pa niya.
Meron silang unnamed co-producer/partner para sa “Friday the 14th” na iaanunsyo nila very soon.
Ani Direk Lino, “Ano rin, malaking studio rin. Bela will direct and act pero we are doing the creatives with her. Babae rin na magaling ‘yung nagsusulat, si Aica, then they’re doing creative supervision.”
Sa ngayon, nakapag-meeting na umano ang Rein team at ang Korean co-producer na tumutulong mamili ng mga magiging co-star ni Bela sa nasabing pelikula.