Bebot ninakaw ang MC, ginang-rape ng 3 kelot
NADAKIP ng mga tauhan ng Rizal Police Provincial Office (PPO) ang tatlong lalaki na isinasangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo at isang insidente ng gang-rape sa isang hot pursuit operation sa Tanay nitong nakalipas na linggo.
Sinabi ni Rizal PPO director Colonel Felipe B. Maraggun na nasakote ang mga akusado sa ginanap na massive manhunt operation ng mga tauhan ng Rizal Provincial Intelligence Unit katuwang ang Tanay Municipal Police Station (MPS).
Ayon sa opisyal, naganap ang pagnanakaw ng motorsiklo sa dalawang biktima dakong alas dos medya ng umaga noong Biyernes.
Lumabas sa imbestigasyon na hinarang at sapilitang kinuha ng tatlong kalalakihan ang motor ng dalawa habang binabaybay nila ang Sampaloc Road sa Tanay, Rizal.
Matapos agawin ang motorsiklo, dinala ng mga suspek ang babaeng biktima sa isang abandonadong bahay sa Baras kung saan siya ay hinalay.
Matapos ito ay pinagbantaan ang babae na papatayin kung sakaling magsumbong ito sa awtoridad. Kaugnay nito ay iniwan ng isa sa mga akusado ang biktima sa Teresa, Rizal, dahilan upang makapag-report ito sa Tanay MPS.
Bandang alas-7 ng gabi ng Sabado ay nakatanggap ng impormasyon ang Tanay MPS sa posibleng lokasyon ng mga suspek.
Kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang Rizal Provincial Intelligence Unit katuwang ang Tanay MPS na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong suspek na kinilala sa mga alias na Jojo, Jerry at Jason.
Sa kasalukuyan, ang mga arestadong suspek ay nakapiit sa Tanay Municipal Custodial Facility at nahaharap sa mga reklamong carnapping at forcible abduction with rape.
Sinabi ni Maraggun na ang pangunahing akusado ay nasangkot na sa isang kaso ng droga noong 2020 at isang kaso ng rape nito lang nakaraang buwan ng Hulyo.
Muling paalala ni Maraggun sa publiko na mag-ingat sa ating mga kagamitan gayundin ang pagiging alerto sa paligid. Aniya, dapat na i-report agad ang anumang insidente o krimen upang agarang masolusyunan ng kapulisan.