Bebot natagpuang dedo sa motel

October 31, 2022 Melnie Ragasa-limena 170 views

NAGTAMO ng limang saksak sa katawan ang isang 27-anyos na babae na natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang motel sa Quezon City matapos mag-check in kasama ang isang delivery rider Linggo ng umaga.

Ang biktima ay pawang residente ng San Felipe Purok 3 Tantangan, South Cotabato.

Sugatan din at patuloy na ginagamot sa isang ospital ang itinuturong suspek na ia umanong delivery driver, tubong Albay at nakatira sa San Miguel, Pasig City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:30 ng umaga (Okt. 30), nang maganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng isang kilalang motel sa kanto ng Roces at Quezon Avenues, sa Bgy. Paligsahan, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSg. Nido Gevero Jr. ng CIDU, dakong 10:00 ng gabi ng Okt. 29 ay mag-isang nagcheck-in umano ang babaeng biktima sa motel at pagkalipas ng ilang oras ay dumating ang suspek sa nirentahang silid ng biktima.

Pasado alas 2:00 ng madaling araw, ay nakatanggap ang motel supervisor ng tawag mula sa kanilang mga guest sa hotel na maingay umano at nagsisigawan ang mga naka-check in na biktima at suspek sa kanilang silid.

Dahil dito ay nagpasyang puntahan ng supervisor ang inirereklamong ingay sa nasabing silid, pero habang naglalakad umano siya sa hallway ay nakita niya ang suspek na lumabas sa kuwarto at tumatakbo habang hawak ang duguan niyang tiyan.

Agad na nagtungo ang hotel supervisor sa silid na pinanggalingan ng suspek at doon ay bumungad sa kaniya na duguan nang nakabulagtang biktima kaya tinawag niya ang room attendant at dinala nila sa Capitol Medical Center ang biktima pero binawian na ito ng buhay.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO (Scene of the Crime Operatives) Team ng QCPD-FU na pinamumunuan ni P/Lt. Aldrin Domingo, ang isang Swiss knife na hinihinalang ginamit ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng krimen at inaalam pa rin ang relasyon ng suspek sa biktima.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng unang sinaksak ng babae ang kasamang lalaki sa hotel, dahilan upang gumanti ang nasabing delivery rider.

Inihahanda na ang kaso laban sa suspek na tumangging magsalita sa nangyaring krimen.