Vietnamese Ang nailigtas na Vietnamese national

Bebot na Vietnamese dinukot, sinaktan, ninakawan ng 4 na Tsino

August 7, 2024 Edd Reyes 107 views

NASAGIP ng pulisya ang babaing Vietnamese na dinukot, ikinulong, sinaktan, at pinagnakawan ng apat na Chinese national na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo sa isang condominium Martes ng gabi Paranaque City.

Nakahingi lang ng tulong sa security guard ng Bayshore Residences sa Barangay Tambo ang biktimang si alyas “Lang” 23, Vietnamese tourist na nagnenegosyo ng palitan ng pera sa Maynila, nang umalis ang tatlong dayuhan habang nakatulog naman ang isa niyang bantay alas-8:10 ng gabi.

Kaagad ipinabatid ng guwardiya ng Bayshore sa Tambo Police Sub-Station ang insidente na nagresulta sa pagkakasagip sa biktima at pagkakaaresto kina alyas “Jun”, 31, “Hao”, 27, at “Zhang”, 26, habang tinutugis pa ang isa nilang kasabuwat.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nakipag-ugnayan si alyas Zhang sa biktima para ipalit sa piso ang kanyang Vietnam Dong.

Pinapunta ni Zhang ang biktima sa isang condominium sa Brgy. Tambo kung saan sinalubong siya ni alyas “Jhun” at isinama sa isang unit ng condo at dito na siya tinutukan ng patalim ni alyas “Hao”, kinuha ang isa niyang cellular phone bago dinala sa isa pang condo unit sa Paranaque matapos ang halos dalawang oras na pagpapaikot-ikot, sakay ng isang Ford Ranger.

Pagdating sa hindi niya nabatid na condominium, tinutukan na siya ng baril hanggang makumpiska ang dala niyang iPhone na dahilan para mailipat sa hindi niya batid na account ang kanyang Vietnamese Dong na katumbas ng P20 milyon, kinuha ang P300,000 niyang cash at mga alahas na nagkakahalaga ng P1-milyon sa kanyang tinutuluyang condominium bago siya inilipat sa residential resort sa Brgy. Tambo kung saan siya nailigtas ng pulisya.

Ayon kay P/BGen. Rosete, nakumpisa sa mga suspek ang dalawang kalibre .9mm na may tig-isang magazine na may kargang apat at pitong bala, isang kalibre .22 magnum revolver, P236,000 cash na kabilang sa kanilang kinulimbat, ilang piraso ng mga gadgets, 76 na piraso ng ecstasy tablet na nagkakahalaga ng P129,200, 5-gramo ng shabu na may halagang P34,000 at ang gamit nilang Ford Ranger.

Ayon kay P/Maj. Jaybee Bayani ng SPD-Public Information Office (PIO), sasampahan ng mga kasong Robbery, Grave Coercion, Illegal Detention paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Paranaque City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE