Posas

Bebot na No. 9 MWP sa Ecija arestado sa Cavite

December 20, 2023 Steve A. Gosuico 295 views

CABANATUAN CITY – Nahulog sa kamay ng pulisya ang isang most wanted person na may warrant of arrest na inisyu ng korte sa Nueva Ecija dahil sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 sa isinagawang manhunt operation sa Dasmariñas, Cavite nitong Lunes.

Kinilala ni Nueva Ecija police provincial chief Col. Richard V. Caballero ang naarestong suspek na isang 39-anyos na babae, walang trabaho, ng Block 45, Lot 6, Phase 6, Dasma 3, Golden City, Bgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite.

Sinabi ni Caballero na ang inarestong babae na tinaguriang number nine MWP (most wanted person) ng lalawigan ay inaresto ng mga operatiba ng Dasmariñas, Cavite, at Cabanatuan City police sa Malihan St., Bgy. Zone 4, Dasmariñas City, Cavite dakong alas-6:45 ng gabi.

Ang pag-aresto sa suspek ay isinagawa sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Cabanatuan City Regional Trial Court Branch 8-Family Court noong Enero 19, 2023 nang walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Nasa kustodiya na ngayon ng Dasmariñas City police ang naarestong suspek para sa kaukulang disposisyon.

AUTHOR PROFILE