Bebot binaril ng 5 beses, bulagta!
BULAGTA ang babae na pinagbabaril ng limang beses ng hindi pa kilalang salarin sa eskinita noong Miyerkules sa Paranaque City.
Limang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Jaemabel Jimenez, alyas Gem, dalaga, at mabilis na tumakas ang nag-iisang salarin patungo sa hindi nabatid na lugar.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, naganap ang insidente dakong alas-8:50 ng gabi sa Vietnam St., Sitio Irasan, Brgy. San Dionisio.
Nakapagresponde sina P/Capt. Aries Kent Comia, commander ng San Dionisio Police Sub-Station, kasama ang tatlo pang pulis pero hindi natiklo ang salarin.
Nakakuha ang mga nagrespondeng tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng krimen.
Blangko ang pulisya sa motibo ng pagpatay.