Beauty queen, idineklarang ‘missing person’
Labis ang pag-aalala ng mga kaibigan, pamilya at kaanak ng beauty queen at Miss Grand Philippines 2023 finalist Catherine Camilon dahil ilang araw na itong nawawala.
Idineklara nang “missing person” si Catherine dahil noong October 12 (Thursday) pa umano ito umalis ng bahay at hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi at hindi rin makontak.
Si Catherine ay naging kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 representing Tuy, Batangas, sa pageant na ginanap nitong nakaraang Hulyo.
Sa Facebook page ng Balisong Channel ay makikita ang panawagan at paghahahanap sa beauty queen.
“PANAWAGAN: MISSING PERSON
“Pinaghahanap ngayon ng kanyang mga kaibigan at kapamilya si Catherine Camilon, 26-anyos, 5’6 ang taas.
“Ayon sa kapatid nito na si Chin-Chin, huling nakausap nila si Catherine bandang alas 8:00 ng gabi noong Huwebes pero nitong Biyernes ng umaga hindi na matawagan ang kanyang cellphone at hanggang sa ngayon ay wala pa silang komunikasyon.
“Madalas aniya mag-update si Catherine subalit nagtataka sila na hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na tawag/txt.”
Dala ni Catherine ang sasakyan nito na Nissan JUKE with plate number NEI 2990.
“Si Catherine ay isang public teacher sa Tuy Batangas, model, finalist ng Miss Grand Philippines 2023, at isa sa naging talent ng Balisong Channel.
Kung mayroon detalye o kaalaman, agad na ipagbigay alam kay Chin-chin Camilon,” ang panawagan ng Balisong Channel.
Sunud-sunod din ang post ng kapatid ni Catherine na si Chin-chin sa social media.
“Baka po mababasa to ng kasama ni Catherine Camilon kagabi na ka work niya, hindi lang po namin alam kung sino, di po matandaan ang pangalan, pasabi naman po baka alam niyo po kung nasaan siya, kagabi pa po siya tumawag 8pm, kaninang umaga pa po naka off ang phone nya, hanggang ngayon at hindi din po nag oonline, palagi po sya nag aupdate sa amin, ngayon lang po talaga hindi,” ang post ni Chin-chin noong October 13.
Sa mga nakalipas na araw ay hindi tumitigil sa panawagan si Chin-chin.
“Baka po may makakakita kay Catherine Camilon pati po ang sasakyan niya Nissan Juke, eto po ang plate number NEI 2990,” aniya.
“Bakit hindi ka pa nauwi?” “Catherine Camilon” “Maawa ka na, umuwi ka na sa atin,” “Sana makabalik ka na sa atin, madami nag aalala sayo kung nasaan ka halos dalawang araw ka ng walang update sa amin, wala namang alis na wala kang update, sana okay ka lang kung nasan ka man. Mahal na mahal ka namin,” ang ilan sa mga posts ni Chin-chin.
Maging ang ina ni Catherine na si Rose Camilon ay nag-post din ng madamdaming mensahe sa FB.
“Anak… sna alam mo na higit sa aming mga puso at icip na kailangan ka nmin mkita at mksm… mahal n mahal ka nmin. uwi na anak… magiingat ka… kailangan nmin ms mging matatag at matapang para sa iu…,” ang pahayag ng ina ng beauty queen.
Sa sumunod niyang post ay abut-abot ang kanyang dasal sa Panginoon na ilayo sa kapahamakan ang anak.
“Anak nsn ka?uwi na… magbuhay kn ng cp para makausap kn nmin… mahal n mahal ka nmin…. Dyos ko tulungan mopo kame makita na oh mkausap ang aming bunso wag nio po ciang pbbyaan..ilayo nio po cia sa kapahamakan… Panginoon wla po akong ibng hinihiling para sa knila kundi ang kaausan nila… ingatan nio po cia..,” saad ni Mrs. Camilon.
Sa huling post naman ni Chin-chin kahapon (October 16) ay nananawagan pa rin siya sa bunsong kapatid na sana’y umuwi na ito.
“Miss na miss na kita birthday ng nanay naten ngayon, gulatin mo, umuwi ka, para di malungkot birthday nya. I love you,” mensahe ni Chin-chin kay Catherine.
Ang pamilya, mga kaibigan at kaanak ni Catherine ay nagdarasal na sana’y ligtas siya kung nasaan man siya ngayon at naway makita na nila ito sa lalong madaling panahon.