Bea

Bea, magbabakasyon grande sa Spain… balik-tambalan kay Lloydie, kasado na

October 6, 2022 Ian F. Fariñas 353 views

MATAGAL-TAGAL mawawala sa eksena si Bea Alonzo para magbakasyon kasama ang kanyang pamilya sa Spain kung saan nakabili siya ng isang apartment.

Sa solo presscon na ibinigay kahapon ng GMA Network para sa leading lady ni Alden Richards sa Start-Up PH, sinabi ng aktres na humingi siya ng isang buwang bakasyon dahil 35th birthday na nga niya sa October 17.

Bukod sa pagpapahinga, sasamantalahin din ni Bea ang pagkakataon para ayusin ang nabiling apartment sa Madrid at pagplanuhan ang isang business venture na plano niyang simulan dahil sa impluwensiya ng karakter niyang si Dani sa Start-Up PH.

Masayang-masaya raw si Bea sa magagandang bagay na nangyayari sa career niya ngayon at wish niya na magtuluy-tuloy ang sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanya.

Grateful siya sa magagandang review na tinatanggap sa kanyang pagganap bilang Dani sa Pinoy adaptation ng sikat na Korean series pati na sa tagumpay ng katatapos na Pinoy TV concert sa Amerika kasama sina Dingdong Dantes, Rayver Cruz, Julie Anne San Jose at iba pa.

Pagbalik mula sa bakasyon, maaaring simulan ang bagong pelikula na muli nilang pagsasamahan ng erstwhile perennial screen partner na si John Lloyd Cruz.

Ani Bea, may inihahanda nang materyal ang GMA Films para sa reunion movie at naipadala na rin ng Star Cinema ang script para sa nabinbin nilang proyekto ni Lloydie.

May offer din daw na gumawa sila ni Lloydie ng soap sa GMA pero habang wala pa itong linaw, iba ang makakasama ni Bea sa kanyang susunod na soap sa Kapuso channel.

Positivity ang isa pang birthday wish ni Bea sa nalalapit na kaarawan. Wala na raw siyang panahon para pansinin pa ang pambabash sa kanya.

Pero aminado ang aktres na nasasaktan siya sa mga panlalait o unfair criticism na ibinabato sa kanya ng netizens.

“Siyempre hindi ako magiging ipokrita. Sometimes nasasaktan ako. Kasi tao lang ako, eh,” aniya.

“But I only take the criticims that I know would help me,” patuloy niya.

Dagdag ni Bea, hindi siya perpekto. Marami rin daw siyang pagkakamali at marami rin bagay na hindi siya magaling.

Pero focused lang daw siya ngayon sa inputs ng mga taong alam niyang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya tulad ng kanyang fans.

“Bullying is not always okay,” diin pa niya.

Naiintindihan din daw ni Bea ang initial reaction ng netizens na kumukwestiyon sa pagtatambal nila ni Alden sa Start-Up PH.

Alam daw niya na maraming fans ang Korean titles, kabilang na nga ang Start-Up PH, na isa rin siya sa mga masugid na tagahanga.

Pahayag niya, “Kapag gustung-gusto mo talaga ‘yung project, gustung-gusto mo talaga ‘yung isang series o pelikula, halos wala ka nang maisip na gaganap na iba. Parang ‘ay, dapat galingan niya kasi talagang ang galing-galing nila Bae Suzy doon. ganyan.’ And it’s understandable and in fact, nagpapasalamat pa nga ako kasi dahil du’n, natsa-challenge ako. Dahil doon, parang mas naiisip ko na, ‘ah, bibigyan ko ito ng different flavor. Ako ito. Akin ‘to. Si dani ‘to. And I’m happy na nagre-resonate siya sa Filipino audience and I’m happy na naa-appreciate nila ‘yung efforts namin and the difference, at least the… ‘yung ibang take or twist na binigay namin sa character nakikita nila in a positive way.”

Samantala, dapat daw abangan ang viewers ang revelation scene sa Start-Up PH.

Kwento ni Bea, tapos nang kunan ang naturang eksena bago pa siya lumipad pa-Amerika para sa Pinoy TV concert.

“Nasa ulanan kami buong araw,” dagdag ng aktres. “Kinarir namin ang eksena na ‘yon. I’m excited doon na mapanood ng mga tao.”

Directed by Jerry Lopez Sineneng and Dominic Zapata, kasama rin nina Alden at Bea sa Start-Up PH sina Yasmien Kurdi, Jeric Gonzales, Gabby Eigenmann, Jackie Lou Blanco, Gina Alajar at marami pang iba.

Napapanood ito mula Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Network.

AUTHOR PROFILE